Rebyu ng Sakit ng Kalingkingan: 100 Dagli sa Edad ng Krisis ni Rolando Tolentino

Sa aklat niyang The Significance of Theory, inilarawan ni Terry Eagleton ang teorya: “Like small lumps in the neck, it is a symptom that all is not well (1990:26)”.

Ang mga bukol sa katawan ay hindi pirming bahagi nito. Samakatuwid, tuwing makakakita tayo ng bukol, inaasahan natin na ito’y maglalaho, o di kaya’y hahanap ng paraan upang ito ay mawala. Dahil ang pagkakaroon ng bukol ay laging isang babala na may mas malalim at peligrosong proseso na nagaganap sa ating katawan.

Kung gayon, ano ang ibig sabihin ng pagsulpot muli ng pormang dagli sa akademya sa panahong ito sa pamamagitan ng isa sa mga batikang manunulat at akademiko? Isa rin kaya itong sintomas o babala ng mas malalim na suliraning pampanitikan, o panlipunan?

Ayon kay Rolando Tolentino, ika-100 anibersaryo ng pormang dagli noong taon na nailimbag din ang kanyang aklat (2005). Dagdag pa niya, “[m]atapos ang unang dekda ng panahon ng Amerikanong pananakop, naglaho ang pormang ito” (xi).

Hindi na bago ang ganitong pangyayari—ang paglitaw at paglubog ng mga popular na pormang pampanitikan. Talamak ang mga “revivals” sa larangan ng popular na musika at gayundin sa mga tema ng teleserye. Ang revival ng mga imahe at iba pang artifact ng kulturang popular ay minsan nang pinroblema ng Marxistang si Fredric Jameson. Ayon sa kanya, ang panahon ng postmodernismo bilang kultural na lohika ng “late capitalism” ay yugto ng repitisyon ng mga dating nang pormang kultural. At ang “revivalism” na ito ay senyales ng papasulpot o “emergent” na kaganapan sa lipunan.

Samakatuwid, ang pagpapasulpot nang muli ni Tolentino ng pormang dagli sa “mainstream”ng akademya (nilimbag ito ng University Press) ay nararapat na basahin bilang isang senyales at sintomas. Sintomas at senyales ng ano?Upang masagot ang tanong na ito, tunghayan natin ang nilalaman ng “Sakit ng Kalingkingan”

Sa titulo pa lamang ng aklat ay matutunghayan na ang pagkakahawig ng metapora na gamit ni Eagleton at Tolentino na kapwa tumutukoy sa isang porma ng distabilisasyon ng katawan (sakit ng kalingkingan kay Tolentino at bukol sa leeg naman kay Eagleton). Ngunit magkaiba ng behikulo: teorya kay Eagleton, isang porma naman ng panitikan para kay Tolentino. Subalit ang pormal na pinagkaiba ng panitikan at ng teorya ay natutunaw sa akda ni Tolentino. Ang paggamit niya ng kabalintunaan (irony), datos istatistikal, mga “media events”, at iba pang halimbawa ng pangyayari sa araw-araw ay patunay na wala namang bagong gustong sabihin si Tolentino. Sa halip ay nais niyang ituon ang ating atensyon sa isa pang dako:ang mga nakababagabag na katotohanan hinggil sa mga bagay na matagal na nating nalalaman. Kung gayon ay imbitasyon itong maging bata muli. Sabi nga ni Eagleton “[c]hildren make the best theorists, since they have not yet been educated into accpeting our routine soial practices as ‘natural,’ and so insist on posing to those practices the most embarassingly general and fundamental questions, regarding them with a wondering estrangement which we adults have long forgotten (1990:34).” Ang ganitong pagdidistansya sa ordinaryong realidad upang kilalanin ang realidad ay matutunghayan sa unang dagli ni Tolentino:

“Ang taong nagigipit

Baon sa utang at kasalanan

Ang pasaherong nagigipit

Pinagsisiksikan gn driver

Ang sexy na babaeng nagigipit

Kumakapit sa DOM

Ang guwapong lalakeng nagigipit

Kumakapit sa Master Showman

Ang estudyanteng nagigipit

Nakatimba ng mga 5.0

Ang manunulat na nagigipit

Lalong nakakasulat

Ang langgam na nagigipit

Papalitan ng ibang langgam

Ang beauty contestant na nagigipit

Nauubusan ng Inggles <…>

Ang walang pag-asa na nagigipit

Napapataya as lotto

Ang aktibistang nagigipit

Nakibaka (3-4)”

Pansinin na pamilyar sa atin ang lahat ng mga imahe at pangyayaring nabanggit. Walang rebelasyon! Pero saan nanggagaling ang kurot ng dagling ito? Sa pamamagitan ng pagtalakay ni Tolentino sa mga talamak na kaganapan sa lipunan, hinihimok niya tayong maging bata muli. Pag-isipan na muli ang mga kaganapang tila natural na sa atin upang sa huli ay makita na hindi pala hiwa-hiwalay na natural na katotohanan ang mga nabanggit kundi mga pangyayari na umaayon sa iisang lohika ng pag-iral: ang disposisyon ng pagkakakulong sa bilangguan ng namamayaning sistema sa panahon ng krisis. Iba-ibang tao man, pare-pareho ang moda ng pagniniig sa daigdig at pare-pareho rin ng kinahahantungan. Liban sa pigura ng aktibista na imbis na pumaloob sa bilangguan ay pilit na kumakawala rito (nasa loob pa rin kagaya ng iba pero tahasang bumabangga sa lohika ng sistema ang sariling lohika ng “survival” dahil imbis na pag-angkop sa sitwasyon ay pagtutol mismo rito ang tunguhin ng aktibistang paraktika.

Ang Manunulat Hinggil sa Gitnang-Uri

Popular ang pag-atake ni Tolentino sa mga temang kanyang tinatalakay . Mula sa mga pilosopikal na pagtalakay ng mga popular na salita kagaya toxic, “verdey; ” mga kaganapan katulad ng pamamanata, kidnap-for-ransom, representasyon sa kababaihan bilang “sawsawan” ng kalalakihan, komersalisasyon ng edukasyon, paggamit at kolonisasyon ng wikang Ingles; mga istratehiya ng kapital kagaya ng mga ads ng Jollibee (“Ang Jollibee na nagigipit/Bini-bee happy tao p. 95), ng MaDonald’s (“Ang McDonald’s na nagigipit/Pati ulyanin ginagamit, p. 95) , feminisasyon ng labor migration, danas ng kabaklaan, hanggang sa mga usapin at tunguhin ng rebolusyon, soyalismo at komunismo bilang usapin ng katarungan. Paano napagtatagni-tagni ng manunulat ang kalat-kalat na paksang ito?

Nauna nang ipahayag ni Tolentino ang kanyang pagtataya bilang isang manunulat sa aklat na Sarilaysay: Danas at Dalumat ng Lalaking Manunulat Sa Filipino (2004):

“Una, yung tema ko ay mas overtly political—mga teacher na nagha-hunger strike, mga apathy sa poverty, etc. Pero habang nagtatagal, mas nagiging middle class yung perspective ko. Dahil yun naman talaga ang pinanggagalingan ko as a writer, at wala na akong grand vision na masu-sway ko ‘yung paniniwala ng maraming bilang ng tao. A masu-sway ko na lamang ng paniniwala ay yung mga taong nakakabasa ng akda ko. At sa maraming pagkakataon ito yung mga taong nakakabili ng mga libro at magasin na nilalabas ko. Mas middle class yung pursuit para sa akin, mas gusto ko yun. Pag middle class meron kang certain freedom, me certain tolerance sa klase ng experimentation, sa isang klase ng kakatwang take sa isang narrative ng isang kwento—dahil ito yung uri na mas maraming nagbabasa. Me access sa libro, me access sa knowledge, at active participant sa knowledge production (2004:368).”

Malay si Tolentino na mamamayan ng gitnang-uri ang kanyang kausap. Masasabing nagmula rin siya rito batay sa kanyang credentials: Nagtapos sa De La Salle University, sa Unibersidad ng Pilipinas at sa University of South California; at kasalukuyang permanenteng propesor sa Unibersidad ng Pilipinas. Ang kanyang uring pinagmulan ay siya na mismong batayan ni Tolentino sa kanyang pagpupusisyon bilang manunulat. Malinaw na naisisiwalat ang kaugnayan ng uri sa panulat nang sinabi ni Eagleton na “all theory is a real social practice (1990:24).” Walang espesyal na kapangyarihan si Tolentino bilang manunulat. Ngunit mayroon siyang kultural na kapital na nagbibigay sa kanya ng kakayahan na maging mahusay na artikulador ng mga karansan ng gitnang uri. Ang pag-gamit niya halimbawa ng kabalintunaan at tablahang pangungutya (witty sarcasm) ay palatandaan ng disposiyon ng pang-gitnang uri. Ang uring aral sa klasikal na literatura at may pangkonsumo rin naman ng popular na kultura ng malls, coffee shops, Hollwood films; at mga teoryang akademiko. Dito matutunghayan ang kapangyarihan ng Marxismong kritismo sa litieratura na hindi pinaghihiwalay ang texto sa manunulat; sa larangang kinapapalooban nito (academic o literary field) at sa mas malawak na konteksto ng lipunan.

Malaki ang hamon sa gitnang uri ni Amado Guerrero sa kanyang akdang Lipunan at Rebolusyong Pilipino. Ayon sa kanya ang peti-burgesya ay positibong pwersa ng rebolusyon na bagamat “vascillating” ay may kakayahang pumanig at manindigan; at magbuo ng opinyong publiko na pabor sa pagwawagi ng rebolusyong Pilipino. Ganito rin ang hamon sa sarili ni Tolentino.

Maaaring hatiin, kung gayon, sa dalawang kategorya ang mga inilalarawang pangyayari ni Tolentino sa kanyang mga dagli. Ang lohika ng pag-angkop at ang lohika ng pagtutol. At sa dalawang binarismong ito ay pinapaboran ng manunulat ang huli. Sa kaparehong panayam na nabanggit sa itaas, mas malalim na tinalakay ni Tolentino ang kanyang pananagutan at pagtataya bilang manunulat:

“Ang masasabi ko, dahil pumasok ako sa iba-ibang avenue, may conscious na decision on my part na maging bahagi ng teacher’s movement, halimbawa, tulad ng people’s movement…may certain preferecnes ako so direksyon na gustong i-take para sa sarili ko at sa pag-evolve ng sarili kong convictions at theory…

Sa isang panahon ay may mga available talaga—quite readily—may access ka sa ilang grand theories na nagpapaliwanag ng iyong panahon. At sa panahon na iyon, at sa tingin ko hanggang sa kasalukuyan, ay may validity pa rin tiong Marxist theory, bilang ideolohiya na dinadala ng National Democratic Movement…Sa akin, ang ganitong partisipasyon at continuous na pag-aaral ay mahalaga dahil kini-keep ka in resonance with the oppressed people—hindi ka isang writer na nasa tore, ikaw ay isang writer na kabahagi ng lipunan na ginagawa mo rin namang paksa sa iyong panitikan.Sa ganitong ugnayan, ikaw din naman ay guro, mas marami kang nakitang options sa klase ng gusto mong tunguhin para as sarili mo. Sa klase ng gusto mong panigan, bilang isang indibidwal sa isang mas malaking lipunan at kasaysayan (2004:371).”

Sa mga pagtatayang nabanggit, matutunghayan kung paano ang mga paksa sa Sakit ng Kalingkingan ay pinag-uugnay ng isang porma ng radikal na pulitikang makabayan. Kung kaya’t may pagtatangkang maglagom ng mga kaganapan sa pang-araw-araw na buhay si Tolentino sa kanyang akda. Sapagkat para sa isang Marxista, mahalagang magkaroon ng materyalistang lapit sa realidad upagn makita, masuri at baguhin ito batay sa mga kongkretong kundisyon. Taliwas ito sa idealismo at metapisikal na lapit na tinatanaw ang realidad bilang hiwahiwalay na mga kaganapan na sumusunod lamang sa isang lohikang hindi lapat sa relasyong ng tao sa tao (kapalararan, gulong ng buhay, swerte, kagustuhan ng Maykapal, karma, at iba pa)

Bagamat malawak ang kanyang paksa at iba-ibang buhay ang kanyang tinatalakay, hindi siya nahuhulog sa bitag ng kultural na lohika ng neo-liberal na globalisasyon sa larangan ng pagteteorya ng kasalukuyan. Ayon kay Eagleton, may kakambal na pulitika ang pluralismo sa teorya: “seeking to understand everybody’s point of view quite often suggests that you yourself are disinterestedly up on high or in the middle, and trying to resolve conflicting viewpoints into a consensus implies a refusal of the truth that some conflicts can be resolved on one side alone (1983, 1996:173).” Malawak ang tinitingnang mundo ni Tolentino ngunit malinaw ang kanyang pagtataya rito. Ang pagpusisyon na ito ay ang nagiging lunsaran ng manunulat sa paglahok sa tunggalian sa mga pwersa ng kasaysayan.

Ang Historikal na Akda

Ayon kay Eagleton, [t]he object of theory is, in a vastly broad sense, ‘history’…An act of theory takes history as its target, but then finds itself joining the very history it ponders, altering it in the process (1990:27). Sinisipat ni Tolentino ang panahon ng imperyalistang globalisasyon. Sakit ng kalingkingan ang metapora niya para sa krisis ng kasalukuyang panahon. Kung idudugtong ang orihinal na pormulasyon ng kasabihan na iyon ganito ang kalalabasan: Sakit ng kalingkingan, sakit ng buong katawan. Ang kalingkingan ay maaaring basahin bilang metapora para sa akto ng pagteteorya o paglikha ng kaalaman o pagsulat mismo. Ang ehersisyong ito ay nagluluwal ng mapapait na imahe ng mga kontradiksyon. Sa isang lipunan na mayroon na raw liberal na demokrasya, talamak pa rin ang pagkakalulon ng panggitnang-uri—na dapat sana’y mulat na uri dahil sa kanilang edukasyon—sa fetishismo ng mga commodities, kagaya ng pagkakatali sa patriarkal-kapitalistang imahe ng kababaihan sa mga magazines kagaya ng Candy at Cosmopolitan (61-62). Ang “consumer freedom” ng free market ay husto nang pamalit sa mga batayang kalayaang pulitikal. Di bale nang talamak ang pulitikal na pamamaslang basta huwag lang umabot sa credit limit ang credit card (63) para sa susunod na 70%Sale sa SM ay malayang makabili ng anumang nais. Sa “Hello God, Alleluiah” (114-115) halos pagtawanan na na ni Tolentino ang masidhing pagbibigay ng puri sa kaginhawahan na dulot ng cellphone dahil umano’y ang paggamit nito ay umiigpaw sa “communication gap.” Tila nakalilimot na na ang bawat pag-igpaw sa “communiation gap” ay may bayad din naman. Ang pruweba ng mga bagong mekanismong represibo ay ginagawang senyales ng paglaya sa larangan kulturang popular. Ang mga kontradiksyong kagaya nito, para kay Tolentino ay sakit lamang ng kalingkingan. At kung gayon ay sintomas ng mas malalim na krisis ng sistema. Kung ang danas natin ng ginhawa, ligaya, at aliw ay may malalim na ugat sa sistema ng kapitalismo, ang paglaya ay natatawaran at nagiging mistulang pagsunod na lamang.

Kaya nga’t nililinaw ni Eagleton na

[t]he question of the uses of theory, then, is in the first place a political rather than an intellectual one. Literary critics do not in my view divide most importantly between those who are enthusiastic about theory and those who regard it as the fina death rattle of the Free World. They divide, rather, betwen those who understand what Walter Benjamin meant when he declared that there was no document of civilization which was not also a record of barbarism, and those who do not (1990:32).”

Barbarismo ngang maituturing ang mga sumusunod na halimbawa:

1. “May 2.2 milyong Pinoy ang gumagamit ng droga (22).” Subalit dito sa Pilipinas, nakapaghahalal daw ng senador na pinaghihinalaang nasa likod ng pagkalat ng bawal ng gamot. (2) Sa US, kapag nangamkam ka, pupunta ka sa kulungan. Sa Pilipinas kapag nahuli ka o hindi man na nangangamkam, pupunta ka ng Amerika (23). Sa dagling “Young Mom Stangles Three-month-old Baby, isang labingsiyam na taong gulang na dalagang ina ang pinaghihinalaang pumatay sa sariling anak: “Napipi si Dailyn. Kusa na lamang itong tila nagduduyan habang nakaupo. Walang naririnig. Wala ring sinasabi maliban sa angil at pagiyak.Hindi nauubusan ng luha si Dailyn. Ayon sa pulis, “The young woman would be charged with infanticide. She faces the death penalty if found guilty(81).” (3) “Ang babaeng nagigipit napapasayaw ng hubo’t hubad (96). (4) Walang benepisyo at karapatan ang mga kontraktwal na manggawagawa [ng SM] (98):”How can I help you today?” Kami nga ay di matulungan ang sarili, tumutulong pa sa iba!Biglang naiisip ng kaibigan ko, ano ang mas mabuti—ang i-edit ang composition ng mga batang magtatrabaho rin naman sa mga multinational corporationo siyang nagtatrabaho ngayon sa ilalim ng global na dibisyon ng paggawa? Kung hindi siya, sila. Kung hindi ngayon, bukas din. Kung hindi rito, sa ibang lugar doon (102)”

Ang mga bahagi ng ito ng mga dagling nabanggit ay ilan lamang sa mga halimbawa kung paanong nabubusabos ang buhay ng mga tao sa ngalan ng pribadong pag-aari. Ang sibilisasyon ay markado ng pag-usbong ng pribadong pag-aari. Argumento ng Benjamin na nahahati sa dalawa ang mga kritiko o teorista: (1) ang mga nakauunawa na nagpapatuloy ang barbarismo sa sibilisasyong nakabatay sa sistema ng pribadong pag-aari. (2) at ang patuloy na maniniwalang walang kinalaman sa unibersal na pagpatay (universal murder) ang sistema ng pribadong pag-aari.

Sa isang Marxistang lapit, hindi maihihiwalay ang kultural na produksyon sa dominanteng moda ng produksyon ng lipunan. Ang mga tumutunggali sa pormulasyong ito ni Marx ay walang ibang magawa kundi baluktutin ang pormulasyon at sabihing sinabi raw ni Marx na ang moda ng produksyon ang siyang magdidikta sa larga ng kultural na produksyon. Sa pagbabalik sa argumento ni Benjamin hinggil sa kabalintunaan ng kasayasayan ng sibilisasyon; at sa paglalapat ni Eagleton ng ideyang ito sa pagteteorya ng literatura ay nagkakaroon tayo ngayon ng mas holistikong pagtingin sa ugnayan ng literatura at lipunan.

Ang mga kontradiksyon na iluluwal ng ugnayan ng literatura at lipunan ay patuloy na iiral ngunit marapat na historikal ang paglalapat dito ng kaisipan. Ani pa ni Tolentino sa dagling pinamagatang Sosyalismo:

“Kailangang maniwala tayo sa kinabukasan. Kung hindi, ano pa ang dahilan ng pagpupursigi sa kasalukuyan?

Ang kinabukasan ang magpapalaya sa kasalukuyan.

Ang hindi pa nararanasan ang nagbibigay posibilidad sa ginhawa sa mabigat na nararanasan.

Ito ang utopia na hindi pa nasusulat dahil hindi pa nararanasan.

Ito ang kinabukasan na aakdain nating lahat (157)”

Sa puntong ito, sikapin nating sagutin ang mga tanong nilatag sa umpisa ng sanaysay. Kung ang bawat revival at sintomas din ng pagsulpot ng bago, maaring ang pagsulpot muli ng dagli sa pormang kritikal at reflexibo kagaya ng sa akda ni Tolentino, ay senyales ng paglawak ng mga kasangkapang bumabaka ng panahong ito maging sa larangan ng teorya at panulat. Kung dati ang dagli ay isang pormang matatagpuan sa mga peryodiko, ngayo’y bagamat mas pormal at elitista (dahil limbag sa unibersidad at kung gayon ay hindi masakses agad ng masa at hindi dahil sa nilalaman) laman naman nito ay matalas ng pagtanaw sa kasalukuyan at kinabukasan. Mahalaga ring idiin pa na ang akda ni Tolentino ay lumalampas sa inaasahan sa isang dagli dahil ito ay isang repleksibong akda na bumabakbak sa pader sa gaitang ng gawang malikahain at ng kritisismo. Tunay na sa panahon ng krisis ay may pagluwang at may paglaya sa mga dogmatikong kategoryang akademiko.

Mga Sanggunian:

Eagleton, T. (1990). The Significance of Theory. Masachussets: Basil Blackwell.

_________(1983, 1996) Literary Theory. Minnesota: University of Minnesota Press.

_________(1990, 2000) The Ideology of the Aesthetic. (Masachussets: Blackwell)

Tolentino, R. (2005). Sakit ng Kalingkingan: 100 Dagli sa Panahon ng Krisis. Quezon City: University of the Philippines Press.

Torres-Yu, R. at Aguirre A. (2004). Sarilaysay: Danas at Dalumat ng Lalaking Manunulat Sa Filipino. Quezon City: University of the Philippines Press.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

You may use these HTML tags and attributes: <a href="" title=""> <abbr title=""> <acronym title=""> <b> <blockquote cite=""> <cite> <code> <del datetime=""> <em> <i> <q cite=""> <strike> <strong>