Nasyunalismo at Panitikan: Balik-tanaw sa Isang Porum at sa Paksa Nito

Ni: Alexander Martin Remollino

Bihira kaming sumang-ayon sa mga ipinahahayag ni Dr. Virgilio Almario, Pambansang Alagad ng Sining ng Panitikan ng 2003 at dekano ng Kolehiyo ng Arte at Literatura (KAL) sa Unibersidad ng Pilipinas (UP).

Subalit sa isang porum na isinagawa ng Unyon ng mga Manunulat sa Pilipinas (UMPIL) na kanyang kinabibilangan at ng Center for Creative Writing and Studies ng University of Santo Tomas (UST-CCWS) ay nagbigay siya ng ilang obserbasyong kung sila’t sila rin lamang na titingnan ay walang dahilan upang hindi sang-ayunan. Tinukoy niya sa porum na nabanggit ang tungkol sa kahalagahan ng nasyunalismo sa panitikan.

Hindi siya talagang kabilang sa mga tagapagsalita sa nasabing porum, kundi sumali lamang sa mismong araw ng aktibidad.

Ang mga imbitadong tagapagsalita sa porum na ito, na isinagawa sa UST noong Hulyo 4, ay sina Dr. Bienvenido Lumbera, pambansang Alagad ng Sining ng Panitikan ng 2006; Dr. Soledad Reyes, propesor ng panitikan sa Ateneo de Manila University at kilalang kritikong pampanitikan; at Dr. Ramon Guillermo, tagapangulo ng Departamento ng Filipino at Panitikan ng Pilipinas (DFPP) sa UP at dating executive director ng Amado V. Hernandez Resource Center (AVHRC).

Kapwa hindi nakarating sina Lumbera at Reyes; si Lumbera’y nagkaroon ng karamdaman, habang si Reyes nama’y nagpapagaling noon mula sa isang aksidente. Walang naipadalang papel si Lumbera, ngunit si Reyes ay mayroon — na ang bumasa’y si Dr. Ruby Gamboa-Alcantara ng UP.

Dulot ng pangyayaring dalawa lamang sa tatlong inimbitahang tagapagsalita ang nakarating, nagprisinta si Almario upang maging ikatlong tagapagsalita, at agad namang pinaunlakan ng UMPIL.

Binanggit pa niya ang kasaysayan ng isang manunulat noong unang dekada ng ika-20 dantaon, si Ismael A. Amado, na siyang sumulat ng nobelang [i]Bulalakaw ng Pag-asa[/i] na naghahayag ng pagtutol sa pananakop ng imperyalismong Amerikano sa Pilipinas.

Sapagkat sensitibo ang paksang tinalakay sa nobela, si Amado’y pinayuhan ng mga kaibigang nakatatandang manunulat laban sa paglalabas ng nasabing akda. Na kanya namang sinunod. Nang lumabas ang nobela noong 1918 ay nagkaepekto na nang husto ang propaganda ng kolonyal na rehimeng Amerikano sa Pilipinas at ang akda ni Amado’y dumaang parang barko sa gabi.

Dahil dito, tuluyang nawalan ng loob si Amado hindi lamang sa pagsusulat kundi kahit sa pagiging tagapagsulong ng nasyunalismo, at sa dakong huli’y naging isang masugid na Amerikanista.

Paano na sana ang naging epekto ni Amado sa ating panitikan at maging kasaysayan kung siya’y hindi pinayuhan laban sa paglalabas ng kanyang nobela? tanong ni Almario. Siya kaya’y nagkabisang tulad ng isang Jose Rizal, dili kaya’y isang Andres Bonifacio?

“Itong ating panahon ay isang napakasagwang panahon,” sinabi pa ni Almario. “Hindi masigwa — masagwa!”

“Kailangan ngayon higit na ang mga manunulat ay magsulong ng mga adhikaing makabayan,” dagdag pa ni Almario. “Mahalaga na ang ating mga guro at editor ay gumabay sa mga manunulat tungo sa paglikha ng panitikang nasyunalista.”

Kung ito at ito lamang ang pakikinggan ay walang dahilan upang hindi sang-ayunan si Almario. Sa katunayan, kung ito at ito lamang ang pakikinggan ay maaari pang iproklama si Almario na isang henyo, gaya ng ibig palitawin ng kanyang mga tagatambol sa mga sirkulong pampanitikan.

Datapwat ano nga ba ang nasyunalismo? Kailangang linawin ang depinisyon nito sapagkat isa itong terminong bagama’t napakatayog ay napakadali ring nababalasubas.

Nasyunalismong “Ako ay Pilipino”

Makikita ang masakit na katotohanang ito sa kaso ng kantang “Ako ay Pilipino.”

Noong 2004, si Sen. Aquilino Pimentel, Jr. ay binatikos ng isang artikulo sa [i]Philippine Daily Inquirer[/i] nang sa isang okasyon ay hindi niya nagawang sabayan nang maayos ang mga kasama niya sa pagkanta ng “Ako ay Pilipino.” Isang napakagandang kantang makabayan ay bakit hindi niya nasabayan nang maayos? tanong ng sumulat ng artikulo.

Isang liham sa patnugot ang isinagot ni Pimentel sa artikulong iyon; sinabi niyang ang naturang kanta’y kanyang iniwasan “na tulad ng isang salot” noong panahon ng batas militar (1972-1986).

Yaong may mahahabang alaala o malawak na pag-aaral sa kasaysayan ay kaagad na makagugunita, sa sinabing ito ni Pimentel, sa pangyayaring ang “Ako ay Pilipino” ay bahagi ng kultural na aparato ng diktadurang Marcos. Ito’y nilikha ng maninitik-kompositor na si George Canseco sa bisa ng isang kumisyon mula sa dating Unang Ginang Imelda Marcos. Nasa isa sa mga linya ng kantang ito ang “isang bansa, isang diwa” — islogan ng pasistang rehimen.

Nababanggit namin ang lahat ng detalyeng ito sapagkat pawang mahalaga sa pagsusuri kung tunay nga bang nagtatanim ng maka-Pilipinong diwa ang kantang “Ako ay Pilipino” sa mga tagapakinig.

Narito ang mga linya ng “Ako ay Pilipino” bago ang koro:

Ako ay Pilipino Ang dugo’y maharlika Likas sa aking puso Adhikaing kay ganda Sa Pilipinas na aking bayan Lantay na Perlas ng Silanganan Wari’y natipon ang kayamanan ng Maykapal

Bigay sa ‘king talino Sa mabuti lang laan Sa aki’y katutubo Ang maging mapagmahal

Kung ang mga linyang ito at ang mga linyang ito lamang ang titingnan, kaagad nating pakakahuluganan ang kanta bilang isang pagmamalaki sa pagiging Pilipino ng Pilipino — at, samakatwid, isang kantang makabayan.

Pumunta na tayo sa koro:

Ako ay Pilipino, Ako ay Pilipino Isang bansa, isang diwa Ang minimithi ko Sa Bayan ko’t Bandila Laan Buhay ko’t Diwa Ako ay Pilipino, Pilipinong totoo Ako ay Pilipino, Ako ay Pilipino Taas noo kahit kanino Ang Pilipino ay ako

Sa unang taludtod sa koro, ang masasagap ay waring isang hangad na magkaisa ang bansa. Doon naman sa sumunod na taludtod ay tila inihahayag ang isang kahandaang mag-alay ng talino at maging ng buhay alang-alang sa bansa at sa bandilang kinakatawan nito.

Lahat nito’y magdadala sa atin sa ilang tanong: Makabayan nga ba ang rehimeng Marcos? Pagkamakabayan ba ang nagbunsod ng pagkakadeklara ng batas militar? Kung gayo’y bakit kayraming makabayan tulad nina Lorenzo Tañada at Jose W. Diokno ang nabilanggo sa panahon ng pag-iral nito?

Balikan natin sandali kung ano ang nagsilang sa batas militar ni Marcos.

Ang sinundan ni Marcos sa pagkapangulo ng Pilipinas ay si Diosdado Macapagal, ama ng kasalukuyang pangulong si Gloria Macapagal-Arroyo. Kilala si Macapagal sa pagpapatupad ng patakarang dekontrol sa ekonomiya: pinababa niya ang mga taripa sa mga angkat na produkto, at hinayaan niya ang walang-sagkang repatriyasyon ng mga tubo ng mga korporasyong multinasyunal.

Ang mga empresa natin, kung saan lamang ang mga multinasyunal pagdating sa dami ng kapital at taas ng teknolohiya, ay natalo sa kumpetisyong idinulot nito, at bumilis ang pagkalagas ng kapital ng bansa. Ayon sa istoryador-ekonomistang si Ricco Alejandro M. Santos, humantong ito sa pagkakapinid ng 10,000 empresa at malawakang pagkawala ng mga trabaho.

Ang mga kalagayang nilikha ng panguluhan ni Macapagal ay nagluwal din ng isang malawakang makabayang kilusang protesta.

Papalakas ang kilusang ito nang maging pangulo si Marcos noong 1965, at nang muli siyang mahalal noong 1969 ay sumuot na ang adyenda nito maging sa mga bulwagan ng kairalan.

Nang taong nabanggit, ang Kongreso, dama ang matinding pagtutulak ng mga makabayang sektor, ay nagpasa ng isang Magna Carta na nagsusulong ng makabansang industriyalisasyon laban sa mga dikta ng Kambal ng Bretton Woods (International Monetary Fund at World Bank o IMF-WB). Noong 1971-1972, malakas ang dating ng mga makabayang puwersa sa Kumbensiyong Konstitusyonal. Noong 1972, pinawalang-bisa ng Kataas-taasang Hukuman ang lahat ng pagkakapagbili ng lupang Pilipino sa mga dayuhang korporasyon matapos ang 1945 (kasong Quasha), at pati ang mga pagtataas ng presyo ng langis ng mga dayuhang kumpanyang nagbebenta nito.

Ang kauna-unahang hakbang ni Marcos matapos ang pagpapatupad ng Proklamasyon Blg. 1081 ay ang pagbabaligtad sa kasong Quasha. Mismong isang ulat ng Kongreso ng Estados Unidos ang nagsabing noong panahon ng batas militar ay nag-ibayo ang mga pribilehiyo ng mga banyagang korporasyon sa Pilipinas.

Sa panahon ng batas militar, maraming dinakip at ibinilanggong lider at kasapi ng mga kilusang nagsusulong ng soberanya at katarungang panlipunan. Ang batas militar ay tugon ng gobyernong Marcos sa palakas nang palakas na panawagan para sa batayang pagbabago ng lipunan.

Ngunit sa isang antas ay alam nina Marcos na sa lakas ng kilusang protesta ay hindi nila ito magagapi sa pamamagitan lamang ng dahas, kaya’t gumamit din sila ng propaganda. Ito ang malambot na aspeto ng diktadura.

Pangunahin sa mga hakbang tungo rito ang “pagpaparangal” sa aktibistang manunulat na si Amado V. Hernandez (yumao noong 1970) bilang Pambansang Alagad ng Sining ng Panitikan noong 1973. Sa pamamagitan nito, nilayon ng diktadurang palitawing tinatangkilik nito ang radikal na diwa sa makabansa at makalipunang mga akda ni Ka Amado.

Ngunit pansining kayraming manunulat na sumunod sa mga yapak ni Ka Amado ang dumanas ng iba’t ibang hagupit ng estado noon ding batas militar: Jose Maria Sison, ang magkapatid na Jose at Emmanuel Lacaba, Lorena Barros, Alan Jazmines, Bonifacio Ilagan, Satur Ocampo, Bienvenido Lumbera, Luis Teodoro, Renato Constantino, Armando Malay, at iba pa. Kung buhay si Hernandez nang magkaroon ng batas militar, tiyak na siya’y parurusahan din ng estado.

Sumakabilang-buhay na nga lamang si Hernandez noon kaya’t hindi na makapagtanggol laban sa pambabaluktot sa kanyang diwa.

Ang kantang “Ako ay Pilipino” ay isang tusong pagtatangkang ilihis ang direksiyon ng nasyunalismong inabot ni Marcos na lumalaganap. Inilalako ng naturang kanta ang isang nasyunalismong walang pagtutol sa neokolonyal na dominasyon ng Estados Unidos sa Pilipinas. Nilalayon ng kantang itong tanggalan ng ngipin ang uri ng makabayang diwang kumakalat noon.

Ang “isang bansa, isang diwa” sa naturang kanta ay siya ngang islogan ng diktadura, at isang panawagan sa “pagkakaisa” ng bansa sa likod ng makadayuhan, makamayaman, at mapanikil na “Bagong Lipunan.”

May dagdag na sinasabi ang kantang ito, kung gayon. Ang sinumang hindi sang-ayon sa tinutukoy na “isang bansa, isang diwa” ay hindi pusong may likas na “adhikaing kayganda,” at kung may talino man ay hindi “sa mabuti lang laan.”

Anti-Pilipino — at anti-nasyunalista — kung gayon ang kantang ito. Ang pagkakaroon at pana-panahong pamamayagpag ng mga kantang tulad nito ay patunay sa sinabi ni Guillermo sa porum ng UMPIL na sari-sari ang mga puwersang maaaring umangkin at bumaluktot ng konsepto ng nasyunalismo sa ngalan ng sariling mga layunin.

Almario, Marcos, at nasyunalismo

Ano ngayon, sang-ayon kay Almario, ang nasyunalismo? Hindi niya ito binanggit sa kanyang talumpati sa porum ng UMPIL. Sa bahaging [i]open forum[/i] ay ibinato ang tanong sa kanilang tatlo nina Guillermo at Alcantara, ngunit ang mikroponong siya noon ang mayhawak ay dagli niyang ipinasa kay Guillermo.

Maganda sanang pagkakataon ang nasabing porum kay Almario upang maipakita kung siya nga ba’y tunay nang lumihis mula sa saliwang landas na kanyang tinahak sa isang bahagi ng ating kasaysayan, gaya ng mukhang siyang ibig niyang palitawin.

Unang nakilala si Almario bilang isang makata noong ikalawang hati ng dekada 1960, nang siya’y kumukuha ng kanyang MA Education sa University of the East (UE), ilang taon makaraang makamit ang kanyang BA Political Science sa UP.

Panahon iyon ng pagsiklab ng kilusang protesta at kabilang ang UE sa mga pangunahing balwarte nito sa pambansang antas. Hindi nahiwalay si Almario sa daluyong na ito, katulad ng mga nakabarkada niyang kapwa makata sa naturan ding pamantasan na sina Lamberto Antonio at Rogelio Mangahas. Silang tatlo’y pawang mapabibilang sa mga tagapagtatag ng Panulat para sa Kaunlaran ng Sambayanan (PAKSA), isang organisasyon ng mga aktibistang manunulat, noong 1971.

Si Almario’y mangunguna pa sa isang kilos-protesta ng naturang organisasyon sa taon ding iyon laban sa pagkakapanalo sa Gawad Collantes ng Surian sa Wikang Pambansa (SWP, ngayo’y Komisyon sa Wikang Filipino o KOMFIL) ng isang tulang dumarakila sa karalitaan. Bakit darakilain ang karalitaan, anang PAKSA, gayong ito’y bunga ng panlipunang pagsasamantala?

Noong 1972, nang si Marcos ay magbaba ng batas militar, idineklarang isang iligal na organisasyon ang PAKSA at ang mga kasapi nito — kabilang si Almario mismo — ay tuluyang umanib sa kilusang lihim.

Nang sumunod na taon, sa mismong aksesoryang inuupahan ni Almario, itatatag ang Galian sa Arte at Tula (GAT). Kasama niya sa pagtatatag nito sina Teo Antonio, Virgilio Vitug, Romulo Sandoval, at Mike Bigornia.

Interesante ang GAT dahil nagawa nitong mailusot sa mga sensura (at sa militar at pulis) ang pampanitikang protesta sa gitna ng pagbabawal sa anumang uri ng protesta. Sa pamamagitan ng paglilinang ng isang uring pagtulang kinatatampukan ng malaalegorikong mga imahe, nagawa ng GAT sa pamamagitan ng mga antolohiya, [i]poetry reading[/i], at [i]workshop[/i] ay nagawa ng GAT ang pagpapalaganap ng mga tula at pagtulang nagpapahayag ng pagkundena sa umiiral na mga kalagayang pambansa.

Mamamayagpag ang GAT sa loob ng susunod na halos 20 taon mula sa pagkakatatag nito at ito’y pagmumulan ng mga tanyag na pangalan tulad ni Jesus Manuel Santiago at ng napangasawa niyang si Lilia Quindoza, nina Fidel Rillo, Tomas Agulto, Heber Bartolome, Nonilon Queaño, Aida Santos, Edgar Maranan, at iba pang katulad. Naging tagapayo ng grupong ito si Lumbera.

Sang-ayon sa dati nitong pangulong si Reuel Molina Aguila, ang GAT ay ginabayan ng isang di-hayag na sentrong tuwirang nakaugnay sa kilusang lihim. Bahagi ng sentrong lihim na ito si Almario hanggang noong 1980, nang siya’y magbitiw sa hanggang ngayo’y di-malinaw na kadahilanan — taliwas sa ipinagkakalat niya ngayong siya’y pinatalsik bilang bahagi ng diumano’y “Stalinisasyon” ng Partido Komunista ng Pilipinas (PKP), sa limitado’t balbal na pagpapakahulugan sa terminong ito.

Gayunman, nanatili si Almario bilang kasapi at tagapayo ng GAT hanggang noong 1986.

Ang pinanggalingan ng impormasyon tungkol dito’y ang “Kabilaan,” isang papel na sinulat ni Aguila noong 2005 at inilabas ng Akdang_Bayan noong 2006. Ayon kay Aguila, mula 1977 hanggang sa pagkalusaw ng GAT ay siya ang pangunahing tagapaggabay ng nasabing organisasyon. Sa kanya at kay Jesus Manuel Santiago nagpahayag ng pagbibitiw sa kilusang lihim si Almario, wika pa ni Aguila.

Ang buong oposisyon sa diktadurang Marcos — armado’t di-armado, Kaliwa at Gitna at maging Kanan — ay lumakas nang lumakas dahil sa tuluy-tuloy na pagbulusok ng kabuhayan at walang-patlang na paglabag sa karapatang pantao, hanggang sa noong Enero 1986 ay mapilitan ang pangulong manawagan ng isang snap election.

Sinuportahan ni Almario si Marcos sa eleksiyong ito. Pumirma siya sa deklarasyon ng pagsuporta kay Marcos ng Coalition of Writers and Artists for Freedom and Democracy (na binigyan ni Danny Consumido, noo’y kasapi ng GAT, ng akronimong COWARD sa isang artikulong ayon kay Aguila’y sinulat para sa kolumnistang si Art Borjal). Kasama niyang pumirma ang anim pang kasapi ng GAT: sina Teo Antonio, Lamberto Antonio, Ruth Elynia Mabanglo, S.V. Epistola, Manuel Baldemor, at Mike Bigornia.

Pinaniniwalaan noon na isa si Almario sa mga nagbuo ng koalisyong ito. May sapat na batayan ito: nauna nang makitaan ang kanyang opisina, ang Aklat Adarna, ng mga lampoon ng magasing ]Mr. and Ms. at Malaya — mga publikasyong lantarang kontra-Marcos. Itinanggi niya noon na siya ang may pakana ng mga ito at sinabi niyang nakita na lamang niya ang mga ito sa kanyang opisina.

Sa sumiklab na debate ng mga kontra-Marcos sa GAT at ng mga manunulat na maka-Marcos, si Almario ang nangunang tagapagsalita ng huling panig.

Sa isang artikulong sinulat niya noong Pebrero 6, 1986 sa [i]Philippine Daily Express[/i] — diyaryong pag-aari ni Benjamin “Cocoy” Romualdez, bayaw ni Marcos at siyang pangunahing tagapamansag ng kanyang rehimen — winika ni Almario ang ganito:

Maliwanag naman ang saligan ng pagkampi kay Marcos ng koalisyon. Sa halalang ito ay naniniwala silang dapat iboto ang may karanasan kaysa isang nobatos na tulad ni Aquino. Ano ngayon ang masama kung ang isang makata ay pumanig kay Marcos dahil sa nabanggit na kadahilanan?

Ikinapoot ito ng mga manunulat ng pakikisangkot, lalo pa’t hindi isinaalang-alang ng nasabing artikulo ang katotohanang marami sa kanila — tulad nina Barros at Eman Lacaba — ang ipinapatay ng rehimen, habang marami namang tulad nina Sison, Ilagan, at Jose Lacaba na ipinabilanggo at marami sa mga nabilanggo ay pinahirapan pa.

Sa nasabing artikulo, kapansin-pansin ang sumusunod na bahagi, na tumutukoy sa kanyang mga kapwa manunulat:

Pero ngayong may koalisyon na para kay Marcos ay maaaring tumindig na ang mga ito at ipakita sa madla na ang pulitika ay hindi nakukuha sa uso.

Ano ang tinutukoy niyang “uso” rito? Ang ipinahihiwatig niyang kabaligtaran niyaong “uso” ay ang pagtangkilik niya sa kandidatura ni Marcos, kaya’t ang “uso” ay walang iba kundi ang aktibismo, na noon pang huling hati ng dekada 1960 nagsimulang lumaganap.

Dito’y inaamin niya, bagama’t hindi niya sinasabi nang tahasan, na kailanma’y hindi tunay ang kanyang naging pagkakasangkot sa aktibismo at kaya lang siya napasok dito ay sapagkat siya’y nakiuso, at nang makatagpo ng mukhang matibay na sandalan sa mga bulwagan ng rehimen ay naglakas-loob na ilantad ang kanyang tunay na mukha.

Matapos ang isang serye ng mga pulong at talakayan, nagpasya ang mayorya ng GAT na patalsikin mula sa kasapian nito si Almario.

Magmula noong 1986 ay kung anu-ano ang ibinabalibag ni Almario laban sa hanay ng mga progresibong manunulat. Bagahe ang pulitika sa pagtula, malimit niyang sabihin.

Kung tunay ngang ganito ang kanyang paniniwala, nakapagtatakang kailanma’y hindi niya binatikos ang librong-tulang Ferdinand Marcos: An Epic ni Guillermo de Vega, kung saan inilalarawan si Marcos bilang isang Mesiyas, isang pambansang Lam-ang; dili kaya nama’y ang ilang tulang maka-Imelda Marcos ni Cesar Mella, Jr.

Lantarang pulitikal ang mga tulang ito — bakit hindi niya sinabing may bagahe ang mga ito? Ngunit anong uring pulitika? Hindi progresibo.

Sa pambungad ng Ikatlong Bagting, ang pinakabagong koleksiyon ng mga tula ng Linangan ng Imahen, Retorika at Anyo (LIRA na kanyang binuo noong 1985), ganito ang pinakawalan ni Almario laban sa mga progresibong makata:

Hindi masamang maglingkod sa bayan ang pagtula. Subalit masamang maniwala lamang ang pagtula sa pinaniniwalaan nito. Humihina ang sarili nitong bait, bumababaw ang pangangatwiran, at nabubulag sa lohika ng salungat na panig. Ito ang bitag ng partidistang pagtula ng mga pangunahing makata ng GAT. Laging tama ang PKP, laging rebolusyonaryo ang masa, at laging mali’t magdaraya ang kapitalista’t pinuno ng gobyerno. Anumang masaklap na katangian ng bayan ay dapat isisi sa kolonyalismong Espanyol at anumang masaklap na nagaganap sa bayan ngayon ay bunga ng umiiral na imperyalismong Amerikano. Masama ang pagtulang may monopolyo ng katotohanan.

Hindi naman niya pinatunayan ang mga “kamaliang” itong nakita raw niya sa tinutukoy na mga argumento ng progresibong panulaan.

Talaga namang ganyan mangatwiran si Almario laban sa hanay ng mga progresibong manunulat: hindi niya idinaraan sa katwiran. Sasabihin niya kahit ang pinakamalaking kamangmangan mapulaan lang ang hanay ng mga progresibong manunulat.

Mababanggit ang ginawa niyang “pagsipat” sa mga tulang “Kung ang Tula ay Isa Lamang” ni Jesus Manuel Santiago at “Kung Baga sa Bigas” ni Jose Lacaba sa isang isyu ng [em]Bulawan[/em], publikasyon ng National Commission for Culture and the Arts (NCCA), noong 1999.

Dito’y sinisipi nang buo ang tula ni Santiago:

Kung ang tula ay isa lamang pumpon ng mga salita, nanaisin ko pang ako’y bigyan ng isang taling kangkong, dili kaya’y isang bungkos ng mga talbos ng kamote na pinupol sa kung aling pusalian o inumit sa bilao ng kung sinong maggugulay pagkat ako’y nagugutom at ang bituka’y walang ilong, walang mata. Malaon nang pinamanhid ng dalita ang panlasa kaya huwag, mga pinagpipitaganang makata ng bayan ko, huwag ninyo akong alukin ng mga taludtod kung ang tula ay isa lamang pumpon ng mga salita.

Paano niya “sinipat” ang tulang nabanggit? Aniya, madali lang ang sagot sa tula: “Hindi lang isang pumpon ng mga salita ang tula!”

Ang sinumang may intelligence quotient na hindi bababa sa 90, marahil, ay makauunawa namang walang bahagi ng tula na nagsasabing “isang pumpon lamang ng mga salita ang tula” — ang sinasabi nito’y hindi dapat na maging isang pumpon lamang ng mga salita ang tula.

Mapunta naman tayo sa tula ni Lacaba. Sipiin natin ang bahaging pinagbuhusan ni Almario ng kanyang matalinong tinta:

Kung baga sa bigas, di rin naman mainam sa tula ang sobrang kiskis at kinis. Mainam ang milagrosa, pero masustansiya ang bigas na pula.

Ani Almario tungkol sa tulang ito, hindi raw angkop na imahe ang bigas na pula at inilagay lamang daw ito ni Lacaba upang matugunan ang diumano’y rekisito ng “linyang pampulitika.” Ngunit hindi naman niya ipinaliwanag ang puntong ito.

At sa porum ng UMPIL ay ni hindi ipinaliwanag ni Almario kung ano ang kanyang ibig sabihin sa nasyunalismong aniya’y higit na kailangang isulong ngayon ng mga manunulat.

Kung tunay mang tinalikdan na ni Almario ang saliwang landas na kanyang tinahak, gaya ng mukhang siyang ibig niyang palitawin, kayganda sanang pagkakataon ang porum ng UMPIL at UST-CCWS noong Hulyo 4 upang ipakita ito. Datapwat pinalampas niya ang pagkakataon.

Sa kanyang pananawagan ng pagsusulong ng nasyunalismo sa panitikan, nakikiuso lamang bang muli si Almario? Nananatiling hindi nasasagot ang tanong na ito at walang marapat na sisihin kundi siya mismo.

Nasyunalismo: kahulugan at papel nito sa panitikan

Ano, kung gayon, ang nasyunalismo? Tiyak na ito’y hindi ang kung anong inihahayag ng kantang “Ako ay Pilipino” — bagkus, kabaligtaran ng sinasabi ng kantang nababanggit ang kahulugan ng nasyunalismo, na ayon kay Almario’y higit na kailangan sa panahong ito.

Ang terminong nasyunalismo ay nakaugat sa salitang nasyon (bansa), na ang ibig sabihi’y isang pangkat ng mga taong may iisang kasaysayan at kalinangan. Sa kasaysayan, nahasik ang mga binhi ng nasyunalismo sa mga pakikibaka sa kolonyalismo at imperyalismo — mga paglabag sa likas na karapatan ng mga bansa na magtakda ng sarili nilang paraan ng paghubog sa kanilang kapalaran.

Kung gayon, ang nasyunalismo ay ang debosyon sa at pagsusulong ng mga pangangailangan at adhikain ng bansang kinabibilangan, kasama ang karapatang magtamasa ng kasarinlan.

Ang isang nasyunalista’y tiyak na naghahangad na magkaisa ang kanyang mga kababayan. Ngunit pagkakaisa ito sa ngalan ng kasarinlan at lahat ng iba pang pangangailangan at matwid na hangarin ng kanilang bansa, hindi pagkakaisang basta na lamang na “isang bansa, isang diwa” — isang napakaabstraktong konseptong bukas na bukas sa pananalaula.

Tunay na lalong kailangan ang nasyunalismo sa panahong ito. Kung ang mismong sinabi lamang ni Almario sa porum ng UMPIL ang titingnan, walang dahilan upang ito’y tutulan, at maaari pa ngang saluduhan siya dahil sa kahenyuhang ayon sa kanyang mga tambulero sa mga sirkulong pampanitikan ay taglay niya.

Sa larangan ng ekonomiya, hindi lamang sinusundan ng Pangulong Arroyo ang mga yapak ng kanyang ama: hinigitan pa niya ito sa pagsunod sa mga patakaran ng International Monetary Fund at World Bank (IMF-WB), mga higanteng institusyong multilateral na ang namumunong bansa’y ang Estados Unidos.

Tampok sa mga patakaran ng IMF-WB sa kasalukuyan ang liberalisasyon ng ekonomiya, deregulasyon sa mga industriya, at pribatisasyon ng mahahalagang sektor ng ekonomiya.

Nakabatay sa mga patakaran ng liberalisasyon, deregulasyon at pribatisasyon ang pagtatanggal ng mga taripa sa mga angkat na produkto at ang pagbibigay ng insentibong piskal sa mga korporasyong multinasyunal at transnasyunal. Batay sa datos mula sa IBON Foundation, P100 bilyon ang potensiyal na kitang nawawala taun-taon sa pamahalaan sanhi sa pagtatanggal ng mga taripa. Samantala, inamin ni Juanita Amatong, dating kalihim sa pananalapi, na noong 2003 lamang ay nawalan ang gobyerno ng P229.4 bilyon dahil sa kabibigay ng mga insentibong piskal sa mga higanteng korporasyon.

Ang ganito kalaking pagkawala ng salapi sa pagsunod ng Pilipinas sa mga pagtakaran ng IMF-WB, pati ang malaking pagkalagas ng pera mula sa pambansang kabang-yaman taun-taon sanhi sa katiwalian — na ayon sa tantiya ng United Nations Development Programme (UNDP) ay umaabot sa 13 porsiyento ng taunang badyet at umaabot naman sa 20-30 porsiyento ayon sa pananaliksik ng National Tax Research Center (NTRC) — ay humantong noong 2004 sa isang krisis piskal na hindi pa natin naaalpasan.

Samantala, bunga rin ng di-patas na kumpetisyon mula sa mga korporasyong multinasyunal at transnasyunal — na sapagkat lamang sa antas ng teknolohiya at sa dami ng kapital ay nakalilikha at nakapagbibili ng higit na maraming produkto sa higit na mababang halaga — ay maraming empresang local ang nagsasara, bagay na nagbubunga ng pagkawala ng mga trabaho. Batay sa mga estadistika mula sa IBON Foundation, karaniwan nang walong empresa ang nagpipinid araw-araw, at kasabay nito’y may 156 manggagawa sa bawat araw rin ang nawawalan ng hanapbuhay.

Pinatitindi pa ng mga patakaran ng IMF-WB ang ganitong uri ng kumpetisyon sa larangan ng ekonomiya.

Sa larangan ng patakarang panlabas, may ilang dekada nang nakatali ang Pilipinas sa Mutual Defense Treaty (MDT) nito sa Estados Unidos at wala namang [em]mutual defense[/em] na nangyayari.

Noong talagang sakop pa ng Estados Unidos ang Pilipinas ay may lumitaw nang aral na dapat sana’y naging gabay nang ihapag sa atin ang MDT. Batay sa mga dokumentong nasaliksik ng manunulat na si Dr. Renato Constantino para sa aklat niyang [i]The Philippines: The Continuing Past[/i], noong nagiging maugong ang mga balitang sasalakayin ng Hapon ang Pilipinas ay malinaw na walang balak ang Estados Unidos na ipagtanggol tayo. Sa katunayan, nilisan nga ng kalakhan ng United States Armed Forces in the Far East (USAFFE) sa pangunguna ni Hen. Douglas MacArthur ang Pilipinas, at sila’y bumalik na lamang nang nasukol na ng mga Pilipinong gerilya ang mga opisyal ng Japanese Imperial Army sa bansa.

Gayundin, sa panahon naman ng MDT, nang magkatensiyon sa Spratlys, kung saan may inaangking mga bahagi ang Pilipinas at ilan pang bansang Asyano, noong dekada 1990 dahil sa mga maniobra ng Tsina, nagpahayag ang Estados Unidos na sila’y walang obligasyong tulungan ang bansa sakaling mapalaban. Ito’y kahit umiiral ang MDT.

Ang kawalan ng Pilipinas ng tunay na kasarinlan ay sinasalungguhitan ng kaso ni “Nicole,” na pinaniniwalaang ginahasa ng isang marinong Amerikano sa tulong ng tatlong kasamahan nito sa Subic, Zambales noong Nobyembre 2005. Yaong pangyayaring ang Embahada ng Estados Unidos pa ang nagdidikta sa kalakhan ng mga pamantayan ng paghugot ng hustisya para kay “Nicole” — na nakaugat sa deka-dekada nang “natatanging ugnayan” ng Pilipinas at ng Estados Unidos — ay malinaw na indikasyon ng laki ng kasarinlang natatamasa ng Pilipinas.

Sa ganitong panahon, tunay na higit ang halaga ng nasyunalismo, at lalo ngang kinakailangan ang pagsusulong nito sa ating panitikan.

Paano naman ang nararapat na maging kapahayagan ng nasyunalismo sa ating panitikan?

Ang panitikan ay bahagi ng kultura. Sa kanyang aklat na Synthetic Culture and Development, ganito ang inilahad ni Constantino na mga katangian ng isang pambansang kultura:

What is the concept of a national culture? It is not the glory of the past where there was little or none. It is not only folklore, it is not only a revival of tradition. Above all it is the summation of the needs of the people, the description of their past and present condition, an expression of their values, thoughts and emotions, the depiction of their historic struggles to liberate themselves. True national culture is inextricably linked to the people’s needs, ideas, emotions and practices. National literature, art, music and all other forms of culture must therefore find their source and inspiration in the people’s activities and dedicate their achievements to the people.

(Ano ang konsepto ng isang pambansang kultura? Ito’y hindi ang luwalhati ng nakaraan na kakaunti lamang o wala naman. Ito’y hindi lang poklor, ito’y hindi lang pagbuhay na muli sa tradisyon. Higit sa lahat, ito’y ang kabuuan ng mga pangangailangan ng sambayanan, ang paglalarawan ng kanilang nakaraan at kasalukuyang kalagayan, isang kapahayagan ng kanilang mga pinaniniwalaan, iniisip at nadarama, ito’y ang paglalarawan ng kanilang makasaysayang mga pakikibaka upang palayain ang kanilang mga sarili. Ang tunay na pambansang kultura’y may di-mapapatid na kaugnayan sa mga pangangailangan, iniisip, nadarama at gawi ng sambayanan. Ang pambansang panitikan, sining, musika at lahat ng iba pang anyo ng kultura’y nararapat kung gayon na mahugot at kumuha ng inspirasyon mula sa buhay ng sambayanan at mag-alay ng kanilang tampok na mga nagawa sa sambayanan.)

*** Originally published 23 July 2006 at emanila*pilipino

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

You may use these HTML tags and attributes: <a href="" title=""> <abbr title=""> <acronym title=""> <b> <blockquote cite=""> <cite> <code> <del datetime=""> <em> <i> <q cite=""> <strike> <strong>