Kay Celia

Kay Celia ni Francisco Baltazar (Balagtas)

Francisco Baltazar (Balagtas)

1 Kung pagsaulan kong basahin sa isip
ang nangakaraang araw ng pag-ibig,
may mahahagilap kayang natititik
liban na kay Celiang namugad sa dibdib?

2 Yaong Celiang laging pinanganganiban,
baka makalimot sa pag-iibigan
ang ikinalubog niring kapalaran
sa lubhang malalim na karalitaan.

3 Makaligtaan ko kayang di basahin
nagdaang panahon ng suyuan namin,
kaniyang pagsintang ginugol sa akin
at pinuhunan kong pagod at hilahil?

4 Lumipas ang araw na lubhang matamis
at walang natira kundi ang pag-ibig,
tapat na pagsuyong lalagi sa dibdib,
hanggang sa libingan bangkay ko’y maidlip.

5 Ngayong namamanglaw sa pangungulila
ang ginagawa kong pang-aliw sa dusa,
nagdaang panaho’y inaalaala,
sa iyong larawa’y ninitang ginhawa.

6 Sa larawang guhit ng sintang pinsel
kusang inilimbag sa puso’t panimdim,
nag-iisang sanlang naiwan sa akin
at di mananakaw magpahanggang libing.

7 Ang kaluluwa ko’y kusang dumdalaw
sa langsanga’t nayong iyong niyapakan,
sa ilog Beata’t Hilom na mababaw
yaring aking puso’y laging lumiligaw.

8 Di mamakailang mupo ang panimdim
sa puno ng manggang naraanan natin,
sa nagbiting bungang ibig mong pitasin,
ang ulilang sinta’y aking inaaliw.

9 Ang katauhan ko’y kusang nagtatalik
sa buntung-hininga nang ikaw’y may sakit,
himutok ko noo’y inaaring Langit,
Paraiso naman ang may tulong silid.

10 Liniligawan ko ang iyong larawan
sa Makating ilog na kinalalagyan,
binabakas ko rin sa masayang do’ngan,
yapak ng paa mo sa batong tuntungan.

11 Nagbabalik mandi’t parang hinahanap
dito ang panahong masayang lumipas,
na kung maliligo’y sa tubig aagap
nang hindi abutin ng tabsing sa dagat.

12 Parang naririnig ang lagi mong wika:
“tatlong araw na di nagtatanaw tama,”
at sinasagot ko ng sabing may tuwa,
“sa isang katao’y marami ang handa.”

13 Ano pa nga’t walang di masisiyasat
ang pag-iisip ko sa tuwang lumipas,
sa kagugunita, luha’y lalagaslas,
sabay ang taghoy kong “O, nasawing palad!”

14 Nasaan si Celiang ligaya ng dibdib?
ang suyuan nami’y bakit di lumawig?
nahan ang panahon isa niyang titig
ang siyang buhay ko, kaluluwa’t langit?

15 Bakit baga noong kami’t maghiwalay
ay di pa nakitil yaring abang buhay,
kung gunitain ko’y aking kamatayan
sa puso ko’y Celia’y di ka mapaparam.

16 Itong di matiis na pagdaralita
nang dahil sa iyo, o, nalayong tuwa,
ang siyang umakay na ako’y tumula,
awitin ang buhay ng isang naaba.

17 Celia’y talastas ko’t malabis na umid,
mangmang ang musa ko’t malumbay ang tinig,
di kinabahagya kung hindi malait,
palaring dinggin mo ng tainga’t isip.

18 Ito’y unang bukal ng bait kong kutad
na inihahandog sa mahal kong yapak,
tanggapin mo nawa kahit walang lasap,
nagbuhat sa puso ng lingkod na tapat.

19 Kung kasadlakan man ng pula’t pag-ayop,
tubo ko’y dakila sa puhunang pagod,
kung binabasa mo’y isa mang himutok
ay alalahanin yaring naghahandog.

20 Masasayang nimfas sa lawa ng Bai,
sirenas ang tinig ay kawili-wili,
kayo ngayo’y siyang pinipintakasi
ng lubhang mapanglaw na Musa kong imbi.

21 Ahon sa dalata’t pampang na nagligid
tonohang ng lira yaring abang awit,
na nagsasalitang buhay ma’y mapatid,
tapat na pagsinta’y hangad na lumawig.

22 Ikaw na bulaklak niring dilidili
Celiang sagisag mo’y ang M.A.R.,
Sa Birheng mag-ina’y ipamintakasi
ang tapat mong lingkod na si F.B.

Source: Mondragon, Monleon & Pineda, Florante at Laura ni Francisco Balagtas, Aklat ANI Publishing and Educational Trading Center, 1995.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *