Kawanggawa at Kahirapan

Bukod sa mga pisikal na pangangailangan, kailangan din ng tao ang mahusay na edukasyon upang lubusang mahasa ang kanyang mga potensiyal.

Kailangan ng tao ang lubos na kahusayan ng pangangatawan at isip upang malubos din ang kanyang kakayahan at pagkakataong gumawa ng mga bagay na hustong ikapagiging mainam ng kanyang buhay. Ito’y makukuha niya kung may pagkakataon siyang pangalagaan nang husto ang kanyang kalusugan at linangin nang lubos ang kanyang isip.

Karapatan ng lahat ang mabuhay sa isang kaayusang panlipunan kung saan natatamasa nila ang mga pangangailangang ito. Kung ang kinabubuhayan nilang lipuna’y hindi ganito – kung ang kinabubuhayan nilang lipuna’y kinatatampukan ng iilang naglulunoy sa labis na karangyaang dulot ng panghuhuthot sa mga lumilikha ng kayamanan habang kumain-dili ang karamihan – karapatan nila ang kumilos upang palitan ito ng isang lalong mahusay na kaayusan.

Hindi nararapat na ang mga dukha’y papaghintayin na lamang nang papaghintayin ng kawanggawa. May kabutihan din sa kawanggawa, subalit sa kadulu-duluha’y hindi ito ang tugon sa malawakang kadustaan sapagkat pansamantalang pagpapaalwan lamang ang naidudulot nito.

Datapwat di ganito ang sinasabi ng “Dampi.” Sinasabi ng kantang ito na “ang pag-asa at kinabukasan” ay nasa PCSO, na ang “kanlungan ng nangangailangan” ay ang mga proyektong pangkawanggawa ng naturang ahensiya – mga “haplos” na “lunas sa bawat pagal,” mga “dampi ng pagmamahal” na ni hindi pa nga nito mapaglaanan ng kalakhan ng kinikita mula sa mga suwipistik, pakarera, at loterya.

Sinasabi ng “Dampi” na ang mga dukha’y hindi na kailangang kumilos upang palitan ang kaayusan ng lipunan, sapagkat nariyan naman ang PCSO. Sinasabi nitong ang PCSO ang siyang sagot sa lahat nilang kadustaan.

*** Originally published 4 Feb 2007 at emanila*pilipino

If you enjoyed this post, please consider leaving a comment or subscribing to the RSS feed to have future articles delivered to your feed reader.

Pages: 1 2

Speak Your Mind

*