Nasyunalismo at Panitikan: Balik-tanaw sa Isang Porum at sa Paksa Nito

by: Alexander Martin Remollino Thursday, December 18th, 2008
This article may comprise more than one page. To find out see Page numbers at bottom of this post.

Bihira kaming sumang-ayon sa mga ipinahahayag ni Dr. Virgilio Almario, Pambansang Alagad ng Sining ng Panitikan ng 2003 at dekano ng Kolehiyo ng Arte at Literatura (KAL) sa Unibersidad ng Pilipinas (UP).

Subalit sa isang porum na isinagawa ng Unyon ng mga Manunulat sa Pilipinas (UMPIL) na kanyang kinabibilangan at ng Center for Creative Writing and Studies ng University of Santo Tomas (UST-CCWS) ay nagbigay siya ng ilang obserbasyong kung sila’t sila rin lamang na titingnan ay walang dahilan upang hindi sang-ayunan. Tinukoy niya sa porum na nabanggit ang tungkol sa kahalagahan ng nasyunalismo sa panitikan.

Hindi siya talagang kabilang sa mga tagapagsalita sa nasabing porum, kundi sumali lamang sa mismong araw ng aktibidad.

Ang mga imbitadong tagapagsalita sa porum na ito, na isinagawa sa UST noong Hulyo 4, ay sina Dr. Bienvenido Lumbera, pambansang Alagad ng Sining ng Panitikan ng 2006; Dr. Soledad Reyes, propesor ng panitikan sa Ateneo de Manila University at kilalang kritikong pampanitikan; at Dr. Ramon Guillermo, tagapangulo ng Departamento ng Filipino at Panitikan ng Pilipinas (DFPP) sa UP at dating executive director ng Amado V. Hernandez Resource Center (AVHRC).

Kapwa hindi nakarating sina Lumbera at Reyes; si Lumbera’y nagkaroon ng karamdaman, habang si Reyes nama’y nagpapagaling noon mula sa isang aksidente. Walang naipadalang papel si Lumbera, ngunit si Reyes ay mayroon — na ang bumasa’y si Dr. Ruby Gamboa-Alcantara ng UP.

Dulot ng pangyayaring dalawa lamang sa tatlong inimbitahang tagapagsalita ang nakarating, nagprisinta si Almario upang maging ikatlong tagapagsalita, at agad namang pinaunlakan ng UMPIL.

Binanggit pa niya ang kasaysayan ng isang manunulat noong unang dekada ng ika-20 dantaon, si Ismael A. Amado, na siyang sumulat ng nobelang [i]Bulalakaw ng Pag-asa[/i] na naghahayag ng pagtutol sa pananakop ng imperyalismong Amerikano sa Pilipinas.

Sapagkat sensitibo ang paksang tinalakay sa nobela, si Amado’y pinayuhan ng mga kaibigang nakatatandang manunulat laban sa paglalabas ng nasabing akda. Na kanya namang sinunod. Nang lumabas ang nobela noong 1918 ay nagkaepekto na nang husto ang propaganda ng kolonyal na rehimeng Amerikano sa Pilipinas at ang akda ni Amado’y dumaang parang barko sa gabi.

Dahil dito, tuluyang nawalan ng loob si Amado hindi lamang sa pagsusulat kundi kahit sa pagiging tagapagsulong ng nasyunalismo, at sa dakong huli’y naging isang masugid na Amerikanista.

Paano na sana ang naging epekto ni Amado sa ating panitikan at maging kasaysayan kung siya’y hindi pinayuhan laban sa paglalabas ng kanyang nobela? tanong ni Almario. Siya kaya’y nagkabisang tulad ng isang Jose Rizal, dili kaya’y isang Andres Bonifacio?

“Itong ating panahon ay isang napakasagwang panahon,” sinabi pa ni Almario. “Hindi masigwa — masagwa!”

“Kailangan ngayon higit na ang mga manunulat ay magsulong ng mga adhikaing makabayan,” dagdag pa ni Almario. “Mahalaga na ang ating mga guro at editor ay gumabay sa mga manunulat tungo sa paglikha ng panitikang nasyunalista.”

Other articles by Alexander Martin Remollino

Pages: 1 2 3 4 5 6 7 8 9 10

« | Home | »

 

Leave a Comment

Adverts



*** Your text links here. Details.