April 18, 2008

Francisco Baltasar (Balagtas)

Posted by Team Emanila

Ang kumatha ng walang kamatayang “Florante at Laura” na si Francisco Baltasar o Balagtas ay mula sa isang maralitang angkan sa nayon ng Panginay, Bigaa, Bulacan. Siya’y ipinanganak noong Abril 2, 1788. Anak siya nina Juana dela Cruz at Juan Baltasar.

Siya’s may pambihirang katalinuhan. Sa gulang na labing-isang taon ay iniluwas siya sa Maynila ng kanyang mga magulang upang sa ilalim ng anumang kaparaanan ay makapagpatuloy ng pag-aaral.

Sa Tundo, si Francisco ay nabantog sa pagiging makata. Dito rin niya nakilala ang balitang si Huseng Sisiw, na masasabing unang pinagparangalan ng kanyang mga kinathang awit bago limbagin.

Nanirahan din siya sa Pandakan. Dito niya nakilala si Selya o Maria Asuncion Rivera. Hindi napangasawa ni Francisco si Selya at ang pangingibig niya rito’y nagbunga ng kanyang pagkabilanggo dahil sa mga maling paratang.

Sa Bataan, si Francisco ay humawak ng mga tungkuling kinikilala at pinagpipitagan ng bayan nang panahon yaon. Namatay si Francisco Baltasar noong Pebrero 20, 1862, sa gulang na 74 na taon. Ang kaniyang pagkamatay ay dinamdam at ipinagluksa ng buong bayan.

Ang karamihan sa mga sinulat ni Baltasar ay tungkol sa aping kalagayan ng Pilipinas noon. Ang pinakabantog sa mga ito’y ang kanyang “Florante at Laura,” isang nobelang patula tungkol sa isang kaharian sa Europa, at di-tuwirang tumatalakay sa kahabag-habag na kalagayan ng bansang ito noong panahon ng mga Kastila.

Ani Mariano Ponce, “Si Balagtas ang prinsipe ng mga makatang Tagalog.” Sinabi ni Dr. Jose Rizal nang tukuyin ang walang-kamatayang awit ni Balagtas, “Ang Florante at Laura ay isang katha sa wikang Tagalog na lumusog at dumingal.”

Pagpapasalamat
Ang talambuhay ni Francisco Baltasar (Balagtas) na nakalathala dito ay hango sa aklat na pinamagatang Pilipino I - Sining at Husay sa Kumunikasyong Pilipino ng Philippine Book Company. / webmaster rc, 22 August 1999 -  Emanila Team


Comments are closed.