Pinaglalabanan ng dilim at binibiyak ng sinag ng araw ang mukha ng langit. Patuloy na tinutuklap ng hanging amihan ang mga pinagtagpi-tagping yero at plywood ng mga tahanan. Nanunuot sa laman ang lamig ng hangin, kasabay ng pagtatampo ng langit sa bahaging ito. Habang ang ilang bahagi ng Maynila ay tulog pa, abala na sa pagpapadyak ang mga pedicab driver. Animo’y hindi natutulog ang bahaging ito ng Maynila. Mula Zaragosa St. hanggang Pier, pabalik-balik ang mga jeep sa paghahatid ng mga pasahero ng barko. Sa kabilang bahagi naman ng Zaragosa matatagpuan ang nag-uunahang mga tao sa Divisoria. Ang iba’y naghahanda ng paninda. Ang iba’y namumulot ng mga tirang gulay upang muling itinda. Ang iba’y nanghihingi ng limos. Sa isang makipot na eskinita malapit sa dulo ng Zaragosa, mapapansin ang mga retaso ng dingding ng mga tahanan. Sinisiksik ng bawat tahanan ang kanilang sarili sa espasyong ipinagkaloob sa kanila ng siyudad. Isang tahanan dito ang pilit na sinisilipan ng araw mula sa butas nitong bubong. Hinaplos ng pangahas na sinag ng araw ang mukha ng dalawang babae. Makinis. Kutis asyano at manilaw-nilaw ang isang babae. Nagkamalay ito at naupo. Ayaw niya sanang bumangon. Napilitan na lamang siya nang maalalang katapusan ngayon ng buwan. Hinawakan niya ang noo ng batang babaeng katabi niya, at sinuklay ng kamay ang blande nitong buhok. Pilit muling hinalikan ng sinag ng araw ang mukha ng bata, ngunit mas mainit na ito ngayon kaysa kanina. Nagmulat ng mata ang bata ngunit walang nakita. Pinilit niya ring magsalita, ngunit wala ni isang salita ang nabigkas. Ipinanganak na siyang bulag, samantalang dala ng hindi naagapang kumplikasyon sa tigdas ang kanyang pagkapipi. Nagpapasalamat nalang si Norma at hindi naapektuhan ang pag-iisip ng kanyang anak. Kapus na kapos kasi sila noon kaya hindi niya naipagamot agad ito. Ngunit kahit na binalutan ng dilim ang ulirat, maningning ang asul niyang mga mata. Kahit na hindi makapagsalita marunong itong mangusap. Tinabunan din ng kanyang kagandahan ang kanyang mga kapansanan. Perpekto ang hulma ng kanyang ilong at tabas ng labi. Mamula-mula ang kanyang pisngi at nabigyan ng kutis porselana. Maginhawa ngayon sa katawan ang hangin. Ganito raw talaga lagi kapag malapit nang mag-Disyembre. Malamig sa balat ang hangin sa labas, pero maginhawa ito sa loob ng bahay. Nakukulob kasi ng bahay namin ang simoy.
Sabi ni nanay hindi naman malaki ang bahay namin. Eksakto lamang ito para sa aming dalawa. Nakasasapat din ang mga gamit namin sa loob, para hindi mahirapan si nanay sa gawaing bahay. Malakas ang radyo ng mga kapitbahay, pero sinasabayan ito ng kanilang mga sigawan. Karamihan sa kanila nagtatawag ng mga mamimili. Mas maingay talaga sa kalsada kapag ganitong mga buwan. Lahat daw ng tao’y nagmamadali, lahat parang may hinahabol. Marami kasing namimili para sa kapaskuhan. Saganang sagana daw talaga dito ang mga kalye sa mga paninda.
Tumindig si Norma at nag-ayos ng sarili. Pinakain din niya ang anak at binihisan. Nang lumabas na sila ng bahay ay pinipigilan sila ng lakas ng hangin , ngunit nagpatuloy pa rin sila sa Divisoria. Para sa mga tulad ni Norma ginhawa ang dala ng mga ganitong panahon. Kahit na maaraw ay hindi sila maluluto sa init. Kakaiba ang amoy ng hangin sa lugar na ito. Naghahalo kasi ang sariwang hangin mula sa dagat at ang sangsang ng basura sa paligid. Madulas ang lansangan ng Divisoria. Hindi ito dahil sa ulan. Ito ang madulas na suka ng palengke. Sa likidong ito naghahalu-halo ang pagkain at iba pang bagay na mabibili dito. Hindi na ito tinatanggap ng mga estero ng Maynila dahil puno na rin ang bibig nito ng ibang basura.kumakapit din ang langsa sa buong paligid. Hindi tulad ng ibang nagtitinda, may pwesto si Norma sa loob ng palenke. Nagbebenta siya ng mga gulay na nagmumula pa sa ibat-ibang lalawigan sa hilaga. Abala siya sa paghahanda ng kanyang mga paninda. Agawan ng mamimili ang kalakaran sa bahaging ito ng palengke. Kung babagal-bagal ka, masusulutan ka ng kustomer. Matapos maghanda ay nakipag-unahan na rin siya sa pagtatawag ng mamimili. Hindi lamang pera ang puhunan sa trabahong ito. Ang paghiyaw ng paulit-ulit ay kailangang-kailangan din. Kanya-kanyang sigawan ang maririnig sa buong pamilihan. Nakaupo sa tabi ni Norma ang anak niya. Nakikinig. Pinakikinggan nito ang ritmo ng kanyang paligid. Ang tono ng mga nagsisigawang tao. Habang abalang-abala ang lahat ay abala ring pinagiisipan ng bata ang kabuuang itsura ng paligid niya. Mabilis nga ang buhay dito subalit hindi siya pahuhuli. Sinusulit niya ang nag-iisang pandamang iniwan sa kanya. Para sa bata namumukod tangi ang sigaw ng nanay niya. Sa tulong ng sigaw na ito, binubuo ni Emily sa isipan ang mukha ng nanay.
Umulan siguro kagabi kaya basa ang kalsada. Nangingibabaw pa rin ang sariwang simoy ng hangin sa labas, sabi kasi ni nanay sumasangsang lang daw ito dahil sa basura sa kalapit na lungsod. Mabuti na lang at malalago ang mga halaman sa kalye namin kaya hindi gaanong umaabot dito ang amoy. Hindi rin masakit sa balat ang araw dahil nahaharangan ng mga matataas na puno. Nakakadagdag sa ganda ang berdeng-berdeng mga dahon ng mga ito, at kakaunti lang ang mga basura sa kalsada. Matagal ko nang iniisip kung anong itsura ng mga ito, anino lang kasi ang nakikita ko.
Hindi karaniwan ang pananamlay ni Norma. Subalit hindi ito dahil sa sakit. Nawawala siya sa sarili dahil sa pagiisip sa ilang mga bagay. Mahirap talaga ang buhay sa lugar na ganito. Ibang-iba ito sa dating trabaho ni Norma. Mas malaki rin ang kinikita niya noon. Pero mas malinis siya ngayon. Dati siyang nagtatrabaho sa isang club sa Recto. Noong una’y sumasayaw lamang siya sa harap ng mga parokyanong mula pa sa ibang bansa. Karamihan sa mga nagpupunta sa club na iyon ay mga foreigner, ilan sa kanila ay mga intsik at ang iba naman ay mga ‘kano. Halos doble ang halaga ng mga tip ng nakaka-table niya, kumpara sa sahod na nakukuha niya. Intsik ang may-ari ng club. Mahusay sa negosyo si Mr. Ching. Upang mas malaki ang perang makukuha niya sa mga ‘kano, ginawa niyang mga kwarto ang ikalawang palapag ng club. Kung gusto ng mga parokyano niya ng karagdagang serbisyo sa kanilang mga ka-table, nakahanda ang mga kwarto sa itaas. Karagdagang bayad ito kay Ching at karagdagang bayad din para sa kanila.
Napakabait talaga ni Tatay. Kahit hindi sya dumadalaw, sinusuportahan niya kami. Ikinuwento nga ni nanay kung paano siya niligawan ni tatay noon. Matagal daw siya bago napasagot. Malayo ang pinagtatrabahuan ni tatay ngayon kaya hindi siya makauwi. Pero ayos lang yun, dahil sa kanya hindi na nahihirapan sa trabaho si nanay. Mahirap daw kasi ang trabaho ni Nanay dati, kumpara ngayon. Guminhawa daw ang buhay niya noong makilala niya si tatay, at noong ipanganak ako. Mula daw noong ipanganak ako nag-ipon ng husto si tatay para makapagpundar ng negosyo. Nakabili na kami ngayon ng pwesto sa palengke at sa susunod na taon daw ay mag-aaral na ako sa special school..
Naakit si Norma sa malaking halagang makukuha niya sa mga foreigner. Sinimulan niya ng isang gabi, at ito’y nagtuloy-tuloy. Karaniwan na sa mga tulad niya ang nabubuntis ng mga kustomer. Karaniwan din sa lugar na ito ang pagpapalaglag. Hindi malaking balita para sa mga kasamahan ni Norma ang kanyang pagdadalang-tao. Noong una’y hindi rin naman ito malaking usapin para sa kanya, subalit nag-iba ang pananaw niya nang lumalaki na ang bata sa loob niya. Itinigil niya ang pagpuputa, subalit, malaki ang naging utang niya kay Mr. Ching simula nang ipanganak ang bata. Lalo pa itong nadagdagan nang magkasakit ang anak niya, na naging dahilan nga ng mga naging kapansanan nito. Ngunit kahit ganito, malaking ang pasasalamat niya kay Ching. Kahit marami nang utang, binigyan ni Ching ang mag-ina ng pwesto sa palengke sa kundisyong babayaran ito tuwing katapusan ng buwan. Noong mga unang buwan ay nasusunod ni Norma ang kasunduan. Subalit naudlot ito nang patungan ni Ching ng tubo.
Alas singko na ng hapon. Ikinukubli na ng dagat ang araw at pilit na nilulunok. Pilit na nagpupumiglas ang araw ngunit wala na rin itong nagawa. Pauwi na sila Norma at ang kanyang anak sa kanilang tinutuluyan. Hawak ni Norma ang anak sa kamay, at paminsan-minsang binubuhat sa tuwing dadaan sila sa lubak. Malayo pa sa kanilang bahay ay napansin na ni Norma ang nakatambay na intsik sa tapat ng kanilang pinto. Nagpatuloy siya sa paglakad. Tumuloy sila sa loob ng bahay ng hindi pinapansin ang matabang intsik. Pagpasok sa loob ay naupo sa papag si Norma. Napatingin siya sa anak na nakaupo din sa tabi niya. Napansin niya ang salamin sa tabi ng bata. Kinuha niya ito at itinapat sa mukha ng batahabang inaayos ang buhok. Idinikit niya ang malasutlang pisngi ng bata sa kanyang mukha habang nakatitig sa salamin. Makikita din sa mga mata ng bata ang magkadikit na mukha nila. “Kung nakikita mo lang kung gaano tayo kaganda anak” Inistorbo ng malakas na katok ang dalawa. “Anak nagugutom ka na ba? Dito ka muna sa tabi may gagawin lang ang nanay.” Dinala ni Norma sa isang sulok ng bahay ang anak at pinaupo. Binuksan niya ang pinto at pinapasok ang matabang intsik.
***************
Nakatingala si Norma sa kisame. Habang nakatihaya, ay mahigpit ang hawak niya sa magkabilang gilid ng papag. Ilang sandali pa’y, nag-unahang gumapang ang malinaw na tubig sa kanyang mga pisngi. Nagsimulang mamugto ang kanyang mga mata. Lumingon siya sa anak na nakaupo sa isang sulok ng kanilang bahay. Pinigil niya ang tunog ng pagtangis upang hindi ito marinig ng bata. Ilang minuto pa lamang ang lumipas subalit para kay Norma, oras na ang binibilang niya. Sa mga pagkakataong ito niya naiisip na sana’y nabingi na lamang siya upang hindi marinig ang malalalim na hingal ng lalake. Tumagal ng ilang minuto bago naudlot ang mahahalay na hingal. Matapos nito ay umangat ang matabang lalaking nakapatong sa kanya. Humupa ang bigat na nararamdaman niya sa katawan ngunit nanatili ang sama ng loob. Tumayo na ang matabang lalaki at nagbihis. Nanikit ang malapot na pawis nito sa katawan ni Norma. “Ito unang hulog mo. Ikaw ‘wag kalimot usapan natin.” Tumayo sa papag si Norma at lumapit sa anak. Hinawakan niya ang kamay ng bata at dinala sa banyo. Nabigla ang bata sa paghila ng ina. Matagal sa tinitigan ni Norma ang anak habang nakaupo. Kumuha siya ng bimpo at binasa ito. Madiin niyang kinuskos ito sa kanyang katawan habang kaharap at tinititigan ang anak. Buo ang aming pamilya. Mabait talaga sa amin ni Nanay si Tatay. Kahit na madalas siyang wala hindi niya kami pinababayaan kaya hindi kami kinakapos. Kahit hindi kami mayaman, hindi naman kami naghihirap.