Nagpapatuloy sa pagtaas ang araw, habang tahimik namang naghahanda ng gamit ang pamilya ni Ramil. Susunduin kasi nila ang nanay nila sa Airport. Dati ay laging nagpapaiwan si Ramil kapag sinusundo ang ina. Mas gusto raw kasi niyang siya ang huling makakakita sa ina ‘pag umuuwi ito. Mas nasusurpresa daw kasi niya ang ina sa bahay kasya sa Airport. Mas nakikita niya rin ang mga pagbabago sa itsura ng nanay niya. Kung tumaba ba ito; pumuti ba o mas naging morena; o kung nagbago ba ang boses at punto nito sa pagsasalita. Nag-iiba daw kasi ang boses mo kapag matagal ka sa gitnang silangan. Iba na rin ang nagiging punto ng pagsasalita mo, natutulad ka raw sa mga arabo.
“Mabuti nalang at nagpahiram ng sasakyan sina kuya Lino,” turan ng bunso nilang kapatid habang inaayusan ng kanyang tiya Monet. Pitong taong gulang pa lamang ito at kapapasok pa lamang sa grade 1. Siya lang at ang kanyang ate Rica ang palangiti sa apat na magkakapatid.
“Hindi kay kuya Lino mo yun, siya lang ang magdadrive.”
Palibhasa ay musmos pa ang mga ito at walang iniintindi sa buhay. Sumakay sa sasakyan si Ramil at naupo sa unahan. Tahimik namang sumunod ang ate niyang si Susan, hawak ang dalawang bata. Lumabas na din sa bahay si tiya Monet.
“Ako na dyan sa harapan, magsama-sama na kayong magkakapatid sa likod.” “Mas gusto ko po dito tiya, kayo nalang ang sumama sa kanila sa likod.” “Sige ikaw ang bahala.
Mahaba ang biyahe mula Nueva Ecija hanggang NAIA. Higit pa itong pinabagal ng trapik dahil araw ng lunes. Nakatingin sa bintana ng sasakyan si Ramil habang pinapanood ang mga nagmamadaling tao sa kalsada. Pagdating sa North Luzon Expressway medyo bumilis ang daloy ng sasakyan. Babagal daw ulit ito pag dating sa Maynila. Tahimik sa likod ng sasakyan, nakatulog kasi ang dalawang nakababatang kapatid niya. Tulad ng ate at tiyahin niya natutok sa mga puno’t damuhan ang kanyang mga mata. Nasa sasakyan si Ramil pero wala dito ang kanyang isip.
Naaalala pa niya noong unang umalis ang nanay niya. Magkokolehiyo pa lamang siya noon. Ngayon ay nakuha na niya ang kanyang diploma sa kursong Architecture. Dalawang taon pa lang ang bunso nilang kapatid nang mapilitang umalis ang nanay nila. Mahigpit ang pagtutol niya noon sa ina. Ang dahilan niya, kamamatay pa lang ng tatay nila, iiwan naman sila ng nanay nila. Pero wala rin siyang nagawa, katwiran ni Delia ito ang lang ang paraan upang makapagtapos silang magkakapatid. Uuwi naman daw ito kada isang taon. Tinupad naman niya ang pangako sa mga anak. Dahil minsan lang umuwi, sinisiguro niyang tuwing disyembre siya makakapagbakasyon.
Masayahing tao talaga si nanay. Nadadagdagan pa ang sigla niya tuwing uuwi sa Pilipinas. Sinusulit daw kasi niya ang kanyang bakasyon. Ganun din naman kami. Hindi kasi kami sanay na malayo ang magulang. Biglaan na nga ang pagkamatay ni tatay, nang atakihin sa puso, biglaan din ang pag-alis niya. Noong unang taon niya sa Abu Dhabi, nanibago daw siya sa kultura ng mga tao dun. Pero mabait daw ang amo niya. Ikinukwento niya sa sulat na may mga arabo daw na nananakit ng mga katulong. Pero hindi daw ganon ang amo niya. Madalas sumulat sa amin si nanay.. Gusto rin niyang sulat ang isasagot namin. Ayaw daw niya ng e-mail at text. Mas personal daw ang sulat at mas nayayakap niya daw ito. Gusto rin niyang nakikita ang sulat kamay namin, lalo na si Gino. Kung tuwid na ba itong magsulat. Noong unang uwi niya dito, napakadami ng dala niyang pasalubong. Binigyan daw siya ng malaking bonus ng amo, nang malamang uuwi siya. Hindi daw siya nahihirapan sa trabaho niya dun. Kasing laki lang kasi ni Gino ang anak ng amo niya. Gino din ang tinatawag niya d’on kahit malayong-malayo sa tunay na pangalan nito. Pangalawang alis ni Nanay. Hindi ako sumama sa paghatid gaya ng hindi ko pagsama sa pagsundo. Ayaw ko kasi ng nagpapaalam. Sa tuwing aalis na siya mahimbing ang tulog ko at tanghali na kung magising. Sina ate at tiya nalang ang naghahatid. Ayaw namang pasamahin ni Nanay sina Rica at Gino. Mabigat daw na bagahe ang iyak ng dalawa. Pangalawang taon ni Nanay dun. Sanay na raw siya sa init ng klima. Bukod sa amin, namimiss daw niya ang mga lutong pinoy. Binubuni na raw kasi siya sa manok. Sana daw ako ang nandun para mag-sawa ako sa manok. Lagi niyang inuulit-ulit na ‘wag kaming mag-alala sa kanya. Hindi gaya ng ibang mga domestic helper doon na binubugbog ng amo, swerte daw siya sa amo niya. Hindi daw nahuhuli ang sahod niya, mas mataas din ito kaysa sa iba. Hindi rin mahirap ang mga pinapagawa nito. Noong taong ding yun gumraduate si ate. Hindi na siya nakapunta sa graduation dahil Pebrero pa lang ay bumabalik na siya sa Abu Dhabi. Tumututol man ako dati, aminado akong malaking ginhawa sa amin ang pangingibang bansa ni nanay. Lalo pa ngayong nakatapos na si ate. Ilang buwan matapos makakuha ng trabaho si ate, sumulat ako sa kanya at tinanong kung kailan ba ito babalik sa Pilipinas. Tapos na si ate at wala nang dahilan para magtiis pa siya doon. Sinagot niya ako ng isang tawag sa telepono. Sinabi niyang hindi daw muna siya uuwi sa susunod na taon. Hindi daw kasi siya pinayagan ng amo niyang umuwi. Sabi ni nanay mas maganda na rin daw yun. Bubuuin daw niya ang dalawang taon at uuwi sa graduation ko. Mas makaka-ipon daw siya kung buong dalawang taon ang ititigil niya doon. Makatapos lang daw ako, hindi na siya babalik sa Middle East. Pumayag ako sa kasunduan namin.
Nagpatuloy sa pagtaas ang araw. Matindi ang trapik sa Roxas Boulevard. Tatlong oras na silang bumibiyahe, ngunit hindi pa rin sila nakakarating sa Pasay. Hindi nagbago ang posisyon ni Ramil. Nakatitig pa rin siya sa labas. Napakabagal ng biyahe ngunit napakabilis nito para kay Ramil. Tumingin siya sa likod ng sasakyan. Tulog pa rin ang dalawa niyang kapatid na nakahiga sa upuan. Malaki ang espasyo ng sasakyan sa likod. Dumaan ang apat na oras, nakarating na sila sa NAIA. Naunang bumaba ng sasakyan ang kanyang ate at tiyahin. Sinalubong sila ng mga personnel ng NAIA.
Hindi pa rin bumababa si Ramil sa sasakyan. Nagsimula na niyang marinig ang tangis ng ate niya nang ilabas ang isang mahabang kahon.