Malamig na simoy ng hangin ang sumasalat sa aming paglalakbay at masukal na daan ang aming tinatahak patungo sa baryo ng San Roque. Madilim ang buong paligid. Kinakawayan na kami ng mga naglalakihang puno. Makitid, malubak at naliligiran ng mga ligaw na talahib ang aming dinaraanan. “Aabutan na tayo ng takip silim dito sa daan,” wika ni Ricky. “Palagay ko nga. Malayo pa ba ang bahay nila, Rey?” Tanong sa akin ni Francis. “Ha?! (nagulat sa sinabi) Ma-malapit na mga tol,” bigla kong naisagot. Dalawang buwan na naming hindi nakikita si Carlo. May natanggap kaming sulat galing sa kanya na malubha raw ang kanyang sakit may isang buwan na ang nakakalipas, kaya’t nagpasya kaming dalawin siya upang matiyak kung ano talaga ang kalagayan ng aming kaibigan. Nagdilim na ang buong paligid, lalong lumakas ang ihip ng hangin na napakalamig. Hindi ko man lamang nakitang sumulyap ang inang buwan, at maging ang mga tala’y nilukuban na ng maiitim na ulap. Kakaiba ang dilim ng gabing iyon, at ang tangi naming kasama ay ang liwanag ng flashlight. Ang munting liwanag na nagsisilbing gabay sa aming paglalakad. “Naku! Mukhang uulan pa yata,” bulong ni Francis. “H’wag naman sana. Eh halos wala tayong makikitang bahay na masisilungan man lamang,” paliwanag ni Ricky. Nakikiramdam lamang ako sa kanilang usapan. Tahimik kong pinagmamasdan ang buong paligid na waring niluma ng kabihasnan. Nakabibingi ang mga hampas ng hangin sa punong kahoy na waring inuubos ng mapanirang hangin ang mga munting dahon sa sanga nito. Maya-maya pa’y bigla akong kinabahan, na ang kabang iyon ay noon ko pa lamang naranasan sa buong buhay ko. Napahinto ako sa paglalakad. “O, anong nangyari sa iyo Rey?” Tanong ni Ricky sa akin. “May problema ba?” Dugtong ni Francis. “Wala ito..kinabahan lang ako,” wika ko sa kanila. “Mahilig ka kasing magkape tuwing gabi,” biro ni Fancis. “Kaya’t uli-uli bawas-bawasan mo yang pagkakape mo…ha..ha..ha…” pang-aasar ni Ricky. Hindi ko na lamang pinansin ang kanilang biro. Para bang gulong-gulo ang isipan ko sa mga oras na iyon. Palabiro akong tao at kadalasa’y ako pa ang nangunguna sa aming barkada sa pakikipagkulitan. Pero kakaiba ang ikinikilos ko sa gabing iyon. Na ang dahilan ay hindi ko malaman kung saan hahanapin ang kasagutan. Kinapa ko ang aking dibdib at bumilis ang pintig nito.
“ O ano mga tol, tutuloy pa ba tayo?” Tanong ni Ricky. “Masungit pa ang panahon. Bukas na lang kaya, ano sa tingin mo Rey?” Aniya ni Francis. “Narito na rin lamang tayo, ituloy na natin,” sabi ko sa kanila. Muli ay umusad ang aking mga paa. Napilitan namang sumunod ang dalawa kong barkada. Hindi na alintana ang panganib na masasalunga namin sa daan basta ang mahalaga’y matagpuan namin ang kinaroroonan ni Carlo. Hindi pa kami nakakalayo sa lugar kung saan kami huminto, may natanaw na kami sa hindi kalayuan. “Sino kayang papalit sa atin?” Sabi ni Francis. “Pwede natin siyang pagtanungan patungkol sa Baryo ng San Roque,” sabat ni Ricky. Napaangat balikat lamang ako habang papalapit sa taong iyon. Sa tulong ng kaunting liwanag, naaninag ko ang kaniyang anyo. Isang malaking tao na may kataasan, may nakasugbit na itak sa kaliwa ng bahagi ng kaniyang baywang. May malapad na sombrero kaya’t hindi ko nakita ng husto ang hitsura ng kanyang mukha na nakasuot ng damit pambukid na punong-puno ng putik. “Ginooo… ginoo… maari po bang magtanong?” Sigaw ni Francis nang siya’y lumagpas na ng bahagya na waring hindi kami nakita. Huminto sa paglalakad ang taong iyon na ayaw man lamang ipakita ang kanyang mukha na nagsabi… “Anong itatanong n’yo..mga bata?” Ang malaking tinig ng misteryosong lalaki na nakatalikod sa amin habang nakikipag-usap. “Malapit na po ba ang Baryo ng San Roque?” Usisa ni Ricky. “Kung ako sa inyo, h’wag na kayong tumuloy doon. Mapanganib,” Kinilabutan ako ng marinig ko ang mga pananalitang iyon na galing sa kanya. Maging ang dalawa kong barkada’y waring naduwag sa pagkakataong iyon. Ngunit sa kabila ng takot, ay hindi ko pinansin ang kanyang pananalita “Huwag na ninyong pansinin ang taong iyon. Tinatakot lang kayo noon para hindi kayo makarating sa Baryo ng San Roque,” panghihimok ko sa kanila. Bagama’t sa kalooban ko’y nakadama rin ng pagkatakot. Marahan kaming nagpatuloy sa paglalakad na sinasalunga ang kay lakas na ihip ng hangin habang ang pangamba sa aking puso ay hindi maialis. Para bang napipi kaming tatlo. At sa pagpapatuloy ng paglalakbay namin sa kagubatan… “Tol, parang may sumusunod sa ating likuran,” nanginginig na tinig ni Ricky. Dahan-dahan namang lumingon si Francis sa aming likuran at nagwika “Mga tol, white lady ang sumusunod sa atin.” “Huwag naman kayong magbiruan ng ganyan,” tugon ko sa kanila. “Rey, hindi ako nagbibiro. Totoo na ito,” sambit ni Francis.
Ibig mang kumaripas ng takbo ang dalawa ay hindi na nila magawa dahil sa lubhang malubak ang daan at napakaputik ng lupa na nakikisalo pa sa dilim ng paligid. “Huwag n’yo na lng pansinin. Hayaan mong sumunod siya,” ang nangangatal kong tinig na binabahiran rin ng takot. Hindi ko pinapahalatang natatakot ako sa layuning makapagpatuloy na makarating sa kinaroroonan ni Carlo. “Mga iho, gabi na’t naririto pa rin kayo sa daan, alam n’yo bang mapanganib ang lugar na ito?” Tinig ng isang magbubukid na nakasakay sa isang kalabaw na may hila-hilang karitong pambukid. “Saan ba kayo pupunta? At taga saan ba kayo?” Tanong sa amin. Parang nabunutan kami ng tinik sa lalamunan nang siya’y aming makita. Marahan kong nilingon ang aming likuran upang tingnan kung totoong may white lady na sumusunod sa amin ngunit wala naman akong nakita. Ang naging resulta sa dalawa kong kasama ay hindi mawari, hingal na hingal at ang mga pawis ay namumuo sa kanilang mukha. “Taga Maynila po kami,” humihingal na tinig ni Ricky. “At hinahanap po namin ang Baryo ng San Roque.” “Ano kamo? Baryo ng San Roque? Alam ninyo bang walang nagnanais na tumuntong sa baryong iyon,” paliwanag niya. “Bakit naman po?” Tanong ko sa kaniya. “Bata pa ako ng marinig ang kuwento tungkol sa Baryo ng San Roque. Sinasabing may lihim na itinatago ang isa sa mga nakatira doon. At sinasabing may isang lamparang itim sa kubong iyon na isa sa araw at gabi ay nakasindi parati. Sabi ng matatanda, kinakailangan daw na mapatay ang ilaw ng lampara, na ang dahilan ay hindi ko alam. Hanggang sa ngayon, nananatiling hiwaga ang tungkol sa kubo na mahabang panahon nang kinatatakutan ng mga naninirahan sa bayang iyon.” “Pero kung gusto talaga ninyong pumaroon ay ipagpabukas na lang ninyo. Ihahatid ko muna kayo sa bayan,” paliwanang ng magbubukid. “Oo nga Rey. Natatakot na ako rito,” bulong ni Francis sa akin. “Tama. Ipagpabukas na lamang natin ating lakad,” tinig ni Ricky na sumakay na sa kariton na hila-hila ng kalabaw. “Rey sasama na lang ako kay Ricky. Sorry tol,” malungkot na tinig ni Francis. Hinablot ko ang flash light na hawak ni Francis. “Bahala na kayo, tutuloy ako. Kailangan kong makita si Carlo,” pagmamatigas ko sa kanila. “Mag ingat ka na lang binata,” sabi ng magbubukid. “Tol, mag-ingat ka nalang. Hindi ko na talaga kaya,” tinapik ako sa balikat ni Francis na tuluyang sumakay patungong bayan hanggang sa dumating ang pagkakataon na hindi ko na sila matanaw habang sila’y papalayo sa gitna ng kakahuyan. Isang bugtong hininga ang iniwan ko, at nagpatuloy sa paglalakad, na sa bawa’t hakbang ng mga paa’y para bang may mga matang nakatitig sa aking paglalakad. Taimtim akong nagmamasid at nakikiramdam sa maaaring mangyari.
Tiningnan ko ang oras sa aking relo. Alas dose na pla ng gabi. Anim na oras na pala akong naghahanap ng daan patugno sa kinaroroonan ni Carlo. Nabuo sa aking isipan ang mga tagpi-tagping mga pangyayari. Naalala ko pa ang sinabi ni Carlo nang huli kaming nagkausap. Pinagbabakasyon daw siya ng kanyang lola sa kanilang probinsiya : Niyaya pa niya kami na sumama noong araw ding iyon . Kay lang may project pa kaming tatapusin kaya’t hindi na kami nakasama. Napansin ko na malungkot si Carlo habang sumasakay ng barko. Pero sabi namin sa kanya na susunod kami, tatapusin lang namin ang pinagagawa ng aming titser. Hanggang sa lumipas and dalawang buwan, tapos na ang bakasyon at magbubukas na muli ang klase ngunit hindi pa rin siya bumabalik. Minsa’y nakatanggap kami ng sulat na galing sa kanya na may malubha daw siyang karamdaman. Hindi naman niya nabanggit sa sulat kung anong sakit iyon . Kaya nagpasya na kami na usisain ang kanyang kalagayan sa baryo ng San Roque kung saan siya nagbabakasyon. Hindi ko malaman ang hiwagang bumabalot sa baryong iyon. Akala ko, sa pelikula ko lang makikita ang mga tagpong ito at sa komiks ko lang mababasa. Pero isang hamon ang umukit sa aking diwa na tuklasin ang hiwagang iyon. Patuloy kong binagtas ang daan patungo sa baryo ng San Roque na bitbit ang napakaraming tanong. Ilang saglit pa’y nakakita na ako ng isang kubo sa gitna ng kagubatan. “Isang kubo…” Bigla kong naalala ang sabi ng magsasaka sa amin kanina… ang nag-iisang kubo sa kakahuyan. “Wag na kayong tumuloy… mapanganib… mapanganib… mapanganib...” Ang paulit-ulit na tinig sa aking isipan. At ang kutob na iyon ay muli ko na namang naramdaman. Ang aking mga paa ay biglang bumigat sa paghakbang at isang tinig ang nagpaalala muli sa akin. “Sumunod kayo Rey…sumunod kayo!” tinig ni Carlo habang papalayo ang sinasakyang barko. “Susunod kami Carlo”, bigla kong winika sa aking sarili na para bang may isang bagong lakas ang sa katawan ko’y sumukob. Bigla akong napasigaw, “Susunod kami Carlo…susunod kami!” Ang malakas kong hiyaw ay umalingawngaw sa kakahuyan. Marahan kong sinundan ang daan patungo sa kubong iyon na may pananabik. Tunay na kay tagal nang panahon na ito’y nilipasan. Isang interesanteng bagay na kay inam tuklasin na sa kabila ng kawalan ay may mga pangyayaring nagdaan. Marahan kong binuksan ang pintuan, at isang kamangha-manghang bagay ang aking nakita. Isang liwanag na sa gitna ng karimlan ay nagpupumilit na sumilang. Ang lampara. Ang lampara na punong-puno ng hiwaga na nagbibigay ng pakunwaring liwanag ay nagbibigay ng pangitain. Isang babae na may manikang hawak at mga pirasong buhok. Pinulupot sa manika ang pirasong buhok at nagsalita ng kakaibang wika, biglang humiyaw, nanginig at sumigaw nang, “Sumpain ka Armando, sa pagtataksil mo sa akin!”
Ang dilim ng kubong ito ay dugo mo ang magpapailaw magpakailanman… hak…hak… hindi ako makahinga, ahhh…..!” Blag! At ang babae ay natumba. May isang lalaki ang tumagos sa aking katawan, may hinahanap at mapapansin sa kanyang mukha ang kabalisahan. Nakita niya ang lampara at ito’y sinindihan at ang lalaki ay biglang natumba at hinang-hina. May isang bata na nagsalita sa aking likuran, “Itay…Itay…nariyan po ba kayo?” “Umalis ka na rito,” wika ng lalaki. “Itay bakit po?!” (pumasok sa loob at sumigaw) “Itay, bakit ganyan ang hitsura mo?” “Umalis ka na rito!” pabulyaw na sigaw ng lalaki. Ang bata ay nagtatatakbo palabas. May dumating na namang isang lalaki. Pamilyar ang kanyang mukha. “Itay!“ Wika nito. Kausap ang matandang lalaki na hirap na hirap sa may higaan. “Anak ang lampara, patayin mo, hirap na hirap na ko,” wika nito. Pinuntahan ng lalaki ang kinalalagyan ng lampara, hinipan at siya’y natumba. At muli ma’y isa pang lalaki ang sumigaw sa aking likuran. Pamilyar sa akin ang boses, tumagos sa aking likuran, si Carlo. Si Carlo ang lalaking iyon. “Itay, bakit… bakit kayo nagkaganyan?” Kausap ang matandang lalaki na kanina’y malakas pa at maitim pa ang buhok. “Anak, Carlo, ang lampara ay patayin mo. Hirap na hirap na ako,” pautal-utal na sabi nito. Pinuntahan ni Carlo ang lampara at hinipan. Ang pangitain ko ay naputol ng isang tinig. “Salamat kaibigan,” malumbay na tinig mula sa kawalan ang aking hinanap. Inikot ko ang aking paningin at sa isang sulok ng kubo doo’y nakita kong nakahandusay si Carlo. “Carlo…Carlo…Carlo…!” Aking naisigaw. Agad kong tinungo ang kanyang kinalalagyan, inakay at pinahiga sa aking hita. Nakita ko ang kanyang kalunos-lunos na anyo. Naaagnas ang buo niyang katawan, mga sugat na sanhi ng pagkaalipin. “Salamat kaibigan. Nasaan sina Ricky at Francis?” Wika niya. “Ha? Susunod sila,” ang aking naiusal. “Rey, patayin mo ang lampara. Parang awa mo na… para matapos na ang paghihirap ko,” naghihingalong wika ni Carlo. “Ang sumpa ay mawawala na dahil ang dugong dumadaloy sa aming lahi ang magpapailaw rito at ako ang huling lahi,” naghihinang bulong sa akin. “Pakiusap patayin mo na ang lampara…” Muli kong inilapag si Carlo at tinungo ko ang lamparang nais niyang ipapatay sa akin. Kakilakilabot na lampara, habang ako’y papalapit para bagang hinahadlangan ako sa paggawa niyaon. “Tol, patayin mo na,” tinig ni Carlo.
Napalingon ako kay Carlo, nakita ko muli ang kanyang panlulumo. Iniiwas ko na lamang ang tingin sa aking kaibigan at pagharap ko’y agad kong hinipan ang lampara. Namatay… at biglang may tinig na sumigaw mula sa lampara at maya-maya’y nawala na lamang. Pinuntahan ko muli si Carlo, ngunit ang kapalit ng tinig na iyon ay ang kanyang buhay. Wala na si Carlo, nakita ko ang liwanag sa gitna ng kadilimang bumabalot sa kanyang pagkatao. Ako’y nabigla nang lumitaw sa aking harapan ang mga lahing pinatay ng lampara at si Carlo ang kahulihulihang lahi na nagdusa sa lamparang iyon. “Marami pala silang naalipin. Ngayon alam ko na kung bakit kami pinapunta sa baryong ito at kung bakit kinatatakutan ang lugar na ito.” Isang tapat na pagkakaibigan at isang pangako ang tumapos sa sumpa ng kahapon. “Salamat, kaibigan…hanggang sa muling pagkikita…” At dahan-dahang pumatak ang mga luha sa aking pisngi na kayakap ang isang kaibigan na minsa’y nagtiwala sa akin. Nilisan ko ang kubo na may karanasan, at ala-alang dadalhin maging sa huling yugto ng aking buhay. Ang flashlight ay binuksan ko na handa na sa pag-alis, ngunut mahina na ang ilaw nito. Papaano na iyan ni hindi ko na makikita ang aking dadaanan at bigla kong naisip, “HANAPIN KO KAYA ANG LAMPARA?”
End
Posted: 22 Apr 2006
Warning: Division by zero in /home/emlacom/public_html/my/inc/functions.inc.php on line 259