Malakas ang bawat bugso ng hangin. Marahan kung binabagtas ang daan patungo sa Baryo ng San Juaquin. Halos may labing limang taon ko na rin na hindi nakikita ang lugar na ito na aking kinamulatan. Dito sa lugar na ito nagsimula ang lahat, dito hinubog ang aking kaisipan, dahan dahang pinanday ang aking diwa at natutuhang tanggapin ang katotohanan, mga katotohanan na minsan ayaw mo nang balikan sa dahilang natatakot kang muling masaktan. Ngunit ang pananaw kong ito ay nabago matapos kong suriin ang aking sarili. Kailangan mo rin palang harapin ang katotohanan, mahirap man tanggapin ng isang tulad ko. Maya maya'y natanaw ko na ang lugar ng Golgota. Isang lumang sementeryo na nasa dulong bahagi ng aming baryo. Hindi ko alam kung bakit tinawag na Golgota ang libingan sa gitna ng kakahuyan. Gayon pa man nananabik ang aking mga paa na makatuntong muli sa dakong iyon. Halos kalahating oras ko ring binagtas ang masukal na daan, ang libingang kinalimutan na ng kabihasnan ng tao.Nasilayan ko ang isang napakalaking puno ng balite na nakahandusay na sa lupa.Doon ako naupo na nilililiman ng mayayabong na puno ng Acacia na halos katabi nya lamang. Kasalo ko sa aking pag iisip ang malamyang sinag ni haring araw at ang mapanudyong bugso ng hangin na sumasalat sa aking katawan. Pinilit kong balikan ang kahapon. Sinamantala ko ang katahimikan ng paligid na tanging matatanaw ay ang mga puntod ng aking mga kanayon. Kinakatakutan ng iba ang lugar na ito kesyu may mga nagpapakita raw at may mga nagpaparamdam.Pero para sa akin ang lugar na ito ay mainam na dako upang magbalik tanaw sa nakalipas. Madalas kaming maglaro dito ni Obet. Ang pinaka malapit na kababata ko sa baryo. Sa malawak na kakahuyan kami madalas magtaguan.Araw araw naming tinatakbo ang masisiit at masukal na daan sa kagubatan. Hindi namin alintana ang pagod, init ng araw at kung minsan ay ang napakadilim na daan sa tuwing inaabot kami ng gabi sa aming paglalaro. Minsan, sa kasagsagan ng aming kwentuhan sa daan, hindi sinasadyang napadaan kami sa lumang sementeryo at yun nga ang Golgota na kinalalagyan ko ngayon. Nakaramdam kami ng bahagyang takot. Magsasampung taong gulang ako noon. "Obet...lumang sementeryo ito diba.." "Oo Junior...halika na baka hinahanap na tayo sa bayan..."malumanay na sagot ni Obet. Sumagi sa isip ko ang tagpong iyon. Alam kong masayang masaya kaming nagkukuwentuhan at nagbibiruan ngunit nang mapadpad kami sa lugar na iyon, napansin ko ang kakaibang reaksyon ni Obet. Niyaya ko pa nga siyang maglaro sa loob ng sementeryo ngunit tumanggi siya. Biniro ko pa nga siya na sa sandaling yaon na natatakot siya pero tulad ng inaasahan nagsawalang kibo ang aking kaibigan. Pinakikiramdaman ko ang kanyang ikinikilos, waring kakaiba sa akin. Hindi kasi ako nasanay na seryoso siya sa kanyang sinasabi. Tahimik akong sumama sa kanya sa daan pabalik ng nayon. Wala siyang imik habang nag uuhanan ang aming mga paa pauwi ng bahay. Nag iisip ako ng malalim pero sadyang hindi ako nakahanap ng dahilan kung bakit nagbago ang reaksyon ni Obet. Kung sabagay mas matanda siya ng isang taon sa akin at may mga bagay na alam niya na di ko nalalaman. Ilang saglit pa'y natanaw na namin ang bayan, nakita ko kung paano inilabas ni Obet ang napakalalim na buntong hininga na iwan ko kung anong ibig sabihin. Sa aming paglalakad nakasabay namin si Mang Ambo na papauwi galing sa bukid. Niyaya kaming sumabay sa kanya. Agad naman kaming sumakay sa paragos na hilahila ng matandang kalabaw. "O mga bata...mukhang inabot na kayo ng gabi sa daan...dis oras na nang gabi dapat nasa kani-kanilang bahay na kayo....." wika ni Mang Ambo. Salamat po...Mang Ambo...Tugon ni Obet. Eh saan ba kayo nanggaling mga bata..." "Sa ano po....sa sementeryo po...bigla kong naisagot. "Ano sa Golgota....!!!!!!" Nabigla si Mang Ambo sa naging sagot ko.Matatandaang tinangka pang takpan ni Obet ang aking bibig sa pag aakalang mapipigil nya ako na sabihin kung saan kami nanggaling. Pero nahuli si Obet na pigilan ako. Doon ko nakitang namutla si Tandang Ambo matapos niyang marinig ang sinabi ko. Hindi ko alam kung anong misteryo mayroon sa sementeryong iyon. Kinabukasan, nabalitaan ko na lamang na may sakit si Obet.Nalungkot ako sa dahilang naantala ang aming paglalaro. Sabi ng nanay niya nagsimula ang napakataas na lagnat niya noong hating gabi. Dahil sa pangyayaring yaon, nagkaroon ng bulongbulongan sa nayon na ewan ko kung anong ibig sabihin, marahil masyado pa akong bata para tuklasin ang bagay na iyon. Nagpasya ang aking mga magulang na dalhin ako sa Maynila.Mahirap man tanggapin pero wala akong magawa, alam kong ang pasyang iyon ay para sa aking ikabubuti. Sa bahay ni Tiyo Samuel ako pansamantalang nanirahan kasama ang dalawa kong mga pinsan. Doon ko na rin ipinagpatuloy ang aking pag aaral.Naalala ko pa noon ang kanyang sinabi sa akin na naitatak sa aking isipan, isang araw bago ako lumuwas ng Maynila. "Junior...wala ka bang nakita noong nasa Golgota tayo...." pautal utal na sambit ni Obet. "Mga lumang puntod, malalaking kahoy, mga damong ligaw...maliban doon wala na..." "Ganon ba...sige, ingat ka sa Maynila...hayaan mo't magkikita uli tayo......." "Ikaw rin pagaling ka...." Sa di kalayuan may napansin akong dalawang batang lalaki na masayang naghahabulan patungo sa aking kinalalagyan. Masaya kong pinagmamasdan ang mga bata sa kanilang paglalaro. Na hindi alintana ang oras sa kanilang buhay. Hindi ko rin napansin na inabutan na pala ako ng gabi dito sa Golgota, pati ang dalawang bata na masayang naglalaro. Kaya't naisipan kong awatin sila sa paglalaro at sinabing umuwi na sila sa kani kanilang bahay.
Nagmadali silang tumakbo palayo sa akin, hindi ko alam ang dahilan kung bakit. Hindi ko pa naman sila pinapagalitan sa kanilang paglalaro. Agad din akong napatakbo upang sundan sila ngunit ako'y nagimbal sa aking nakita. Hindi pa gaanong madilim kaya't nasaksihan ko ang isang pangyayari na hinding hindi ko malilimutan. Tandang tanda ko pa ang malaking puno ng acacia sa gawing hilaga nang biglang may lumabas na kakaibang pangitain na ang dulot ay kahintakutan. Narinig kong humihingi sila ng tulong sa akin habang hinahabol ng isang di mawaring nilalang sa kakahuyan. Sa tulong ng kaunting liwanag ng hawak kong flash light nakita ko ang kanyang anyo. Isang matandang babae ang tumambal sa akin. Tinitigan niya ako ng malagkit na tingin. Nanlilisik ang kanyang mapupulang mga mata na kinulubot ng tadhana ang kanyang anyo. Lalo akong sinidlan ng takot ng siya'y unti unting lumapit sa akin. Gusto kong tumakbo sa mga oras na iyon pero di ko maigalaw ang aking mga paa. Nang ako'y lumingon huli kong natanaw ang dalawang bata na kumakaripas ng takbo papalayo dahilan sa takot. At ng ibalik ko ang direksiyon ng aking paningin, ako'y namutla sa aking nakita. Nasa harapan ko na ang matandang babae na nadadamtan ng itim na balabal. Pinagpawisan ako ng malapot sa kaba at kakot. Dahan dahan niyang iniangat ang kanyang mukha sa akin at ako'y napasigaw sa takot. Pakiramdam ko'y narinig sa buong kanayunan ang sigaw kong iyon. At ako'y nahimasmasan sa aking pag idlip. "Hay....(buntong hininga) panaginip, ang sama naman yon...inabutan na pala ako ng takipsilim dito, buti pa makauwi na nga sa bayan....." Marahan akong tumayo. Kinapa ko ang dala kong flash light at agad binuksan upang magturo ng aking daraanan. Nakaramdam ako ng kakaiba habang ako'y naglalakad. Umihip ng bahagya ang malamig na hangin. Nagsimulang sumayaw ang nagtataasang mga talahib sa aking paligid. Kinakawayan na rin ako ng mga naglalakihang mga puno na nagmamasid sa akin. Lubhang masukal ang daan, kasalo ko pa ang ka'y dilim na gabi. Mahalumigmig ang buong paligid. Naramdaman ko ang mga di pangkaraniwang kaluskos sa aking likuran. Naging mapagsuri ako, sinimulan kong makiramdam sa buong paligid habang lumalakad sa ibabaw ng mga puntod. Di ko akalaing makakabalik pa ako sa lumang sementeryo dito sa gitna ng kakahuyan, na ang bawat mga puntod ay nililigawan na nang mga damong ligaw. "Pssssssssssst..................." Isang tinig ang aking narinig na hindi ko alam kong saan nanggaling. Napahinto ako ng sandali na waring binahiran ng kaunting takot, iginala ko ang aking mga mata kasunod ang liwanag ng dala kong flashlight. Muli pa'y nagpatuloy ako sa paglalakad na binali wala ang narinig. "Psssssssssssst................." Muli kong narinig ang tinig na iyon sa ikalawang pagkakataon. Mula sa aking likuran na para bagang mayroong sumusunod. At sa pag lingat ng aking mga mata'y muli kong nakita ang nakakatakot na anyo ng misteryosong babae sa Gotgota na sumusunod sa akin. Tulad ng nakita ko kanina sa panaginip, nanlilisik ang kanyang mapupulang mga mata na nakalutang sa hangin habang ako'y sinusundan. Winawasiwas ng malakas na hangin ang kanyang mahabang buhok na lalong sumisindak sa aking pagkatao. Napatakbo ako sa takot, ni hindi ko na alam kung saan susuling. Hindi ko na rin alam kung saan ang daan pabalik ng nayon basta't ang nasaisip ko ay makalayo sa Gotgota. Sa aking pagmamadali, di sinasadyang natalisod ako sa isang matulis na bato. Nadama ko ang unti unting pagdaloy ng dugo sa aking mukha na siyang dulot upang ako'y manghina. Di ko magawang tumayo sa sobrang sakit sa aking pagkadupilas. Nanginginig ako sa takot sa sandaling iyon. Pinilit kong tumayo pero bigo ako, iniusad ko na lamang ang aking mga paa upang kumubli sa isang puno. Ngunit tulad ng inaasahan nakita ko ang misteryosong matanda na papalapit na para bagang galit na galit sa akin. Tanging ang kanyang nakakatakot na mukha lamang ang nakalitaw sa gitna ng napakadilim na kakahuyan. Hindi ko malaman ang aking gagawin. Nakikipag habulan ang aking hininga sa takot. Marahan siyang nagtungo sa aking kinalalagyan. Maya maya'y naupo siya sa harap ko, doon ko nakita ng mukhaan ang kanyang kagitla gitlang anyo nang inilapit niya ang kanyang mukha sa akin at..... "Aaaaaaaaaaaaaaaaaaaahhhhhhhh" "Hoy…John…gising..." wika ni Princess. "Ahhhhhhhh...panaginip uli..." "Akala ko di ka pa magigising, sasampalin na sana kita, bakit ? ano bang panaginip mo.? "Wala...salamat ha..."(habang hinihingal sa pagsasalita) "Nakatulog ka pala ...tapos na po ang vacant time natin...magsisimula na ang klase natin sa Rizal" "O sige susunod na ako maghihilamos lang " "Hindi, hihintayin na kita baka makatulog ka na naman ...hehehe" pabirong wika ni Princess. Labis akong pinag-isip ng aking panaginip. Ni wala akong naintindihan sa buong klase sa araw na iyon. Pilit na gumuguhit sa aking isipan ang nakakatakot na anyo ng matanda sa aking panaginip. Maglalabing limang taon na pala ako dito sa Maynila. Doon sumagi sa isip ko ang Baryo ng San Juaquin, mula nang manirahan ako sa Maynila wala na rin akong balita kay Obet. Maraming naglarong pangitain sa aking isipan na pilit na naghahanap ng kasagutan ang aking mga tanong. Sino ang misteryosong matanda sa sementeryo ng Golgota? May kaugnayan ba siya sa buhay ko? Ano mang pilit ng aking sarili na kalimutan ang aking panaginip ngunit hindi ko magawa. Gusto kong takasan ang bangungot sa likod ng aking pagkatao. Ngunit ang katotohanan ang magdadala sa akin sa katiwasayan. "Ring...." Nahawi ang aking imahinasyon ng marinig ko ang hudyat sa aming eskuwelahan tanda na tapos na ang klase sa araw na ito. Balisa pa rin ang aking isipan sa mga nangyari. "Hoy, lalaki, uuwi na po tayo? Alam mo, kanina pa kita pinagmamasdan, may problema ka ba?" "Wala, daan muna tayo sa parke bago kita ihatid sa inyo." Himala, naisipan mo pang ipasyal ako" "Tara, may sasabihin ako sayo." Sa isang parke kami tumuloy. Doon ko sinabi kay Princess ang aking panaginip na labis na nagbigay ng alalahanin sa akin. Nagpasya akong puntahan ang aming probinsya at alamin ang kalagayan ng aking kababatang si Obet. Total mag sesem break naman kaya niyaya ko rin si Princess na samahan ako. Hindi naman siya nagdalawang isip alam kong sa lahat ng lakad ko at desisyon ay lagi ko siyang kasama. Nananabik na akong dumating ang huling araw ng aming klase. Madaling lumipas ang buwan ng Septembre at dumating na rin ang araw ng aking pag alis. Nakapag impaki na kami ni Princess ng mga gamit na gagamitin namin sa loob ng isang linggo. Tinangka pa nga ni Tiyo Samuel na pigilan akong lumuwas ng probinsya ngunit wala rin siyang nagawa. Laging ipinagbibilin ni Tiyo Samuel na mag iingat kami sa aming paglalakbay. Halos aabutin lang ng isang araw ang aming biyahe sa dagat kaya labis akong nananabik na muling masilayan ang aking bayan. Hindi na ako pinatulog ng aking kasabikan. Umaga, mabilis kaming bumaba ng barko. Sa wakas narating ko na ang aking baryo. Agad kaming naghanap ng bus patungo sa Baryo ng San Juaquin. Hindi naman kami nahirapan sa paghahanap. At sa biyahe patungo sa aming baryo, masaya kong ikinukuwento ang aking kabataan kay Princess. Nililibang ko na lamang siya sa pagkukuwento na alam kong pagod na pagod na siya sa biyahe. Hanggang sa di ko na namalayan na nakatulog na siya sa aking balikat. Pinagmasdan ko ang maamo niyang mukha at hinayaan ko na lamang siyang makatulog. "John…John...kumusta na? wika ni Obet habang tumatakbo palapit sa akin. "Ito maayos naman....ikaw Obet? (niyakap ako nang mahigpit ng aking kaibigan) "Roberto, seyempre nagbabago rin ang pangalan (sabay tawa) ikaw nga tinawag kong John, kaya tawagin mo rin ako sa tunay kong pangalan." "Oo nga pala, O pano mamasyal muna tayo." "Oo ba, igagala kita, alam kong namimiss mo na ang lugar na ito at sa Golgota kita unang dadalhin." "Tama, naantala kasi ang paglalaro natin doon, O tara ." Masaya kaming umakyat sa kakahuyan.Mag aalastres noon ng hapon kaya't mahaba haba ang aming usapan. Binuksan ko sa kanya ang tanong na labis na gumimbal sa akin noong una. Inusisa ko siya kung bakit niya ako tinanong na kung may nakita daw ako sa Golgota noong una namin itong matagpuan. Doon ko muli naaninag nang husto ang lumang sementeryo, nakita ko rin ang higanteng patay na balite na nakahandusay sa lupa na siyang nakita ko sa aking panaginip. Doon kami naupo ni Obet at iisang paksa lamang ang aming napagtuunan ng pansin. At iyon ay ang tungkol sa misteryosong babae sa Golgota. "John, may titingnan lang ako sa kabila nang punong kahoy na iyan." "Sama na ako Roberto." "Hindi na, hintayin mo na lang ako riyan."
Nagbalik sa aking alaala ang punong kahoy na itinuro ni Obet sa akin. At doon ko natanto na ang punong kahoy na iyon ay nakita ko rin sa aking panaginip. Oo, doon ko nakitang lumabas ang matandang babae nang ako'y kanyang habulin. Sumagi sa isip ko na marahil doon din nakita ni Obet ang babae, hindi ko lang napansin sa dahilang sobrang dilim noong mga oras na yon. Naisipan kong basahin ang mga pangalan sa mga lumang nitso habang naghihintay kay Obet. Nag-aagaw na ang liwanag at dilim pero hindi pa rin dumarating si Obet. Halos maubos ko nang basahin ang lahat ng puntod sa Golgota. Magtatatlong oras na akong pagala gala ng bigla akong kapitan ng takot, na ang takot na iyon ay noon ko pa lamang naranasan. Tinungo ko ang daan sa punong iyon kung saan tumuloy si Obet upang hanapin. Ngunit wala akong nakitang kahit sinong tao. Inisip kong baka pinagtataguan lamang ako ni Obet upang takutin pero mga binata na kami at napakahalay na para sa amin na magtaguan pa. Sumigaw ako sa gitna ng kakahuyan na binabanggit ang kanyang pangalan, ngunit kahit alingawngaw ng kanyang sagot ay wala akong narinig. Hindi ako tumigil sa paghahanap hangga't hindi ko siya nakikita. Lalo pang umihip ang malakas na hangin. At pumailanglang ang kadiliman sa himpapawid. Dumating ang puntong ni wala na akong makita sa aking paligid. Nakabibingi ang mga ingay ng mga dahon sa puno na waring nagbabadya ng pangamba. Ang pangyayaring ito'y waring nakita ko rin sa aking panaginip noong una. Anupa't bumuhos na bigla ang napakalakas na ulan kasalo nito'y ang nakatutulig na mga kulog. Mahigpit kong hawak ang aking jacket na siyang tangi kong panlaban sa malakas na ulan. Kinapa ko ang aking bulsa upang hanapin ang flash ligth, ngunit hindi ko ito nadala kaya't sa tulong nang panakanakang pagsilip ng kidlat, ang liwanag niya ang nagsilbing giya sa aking dinaraanan. Hinintay kong magpakita ang mga bituin at ang mayuming buwan ngunit bigo ako. Kahit papano'y alam ko pa rin ang daan pabalik ng nayon. Narating ko na ang makitid na tulay sa Golgota tanda na malapit na ako sa nayon. May kahabaan din ang tulay na kung susukatin ay may limampung hakbang bago makatawid. Maingat kong binagtas ang tunay sa dahilang halos dinuduyan ito ng malakas na ihip ng hangin. At sa di kalayuan, sa muli't muling pagkidlat ay may naaninag ako sa dulo ng tulay. Oo, ang kinatatakutan kong babae sa aking panaginip ay muli ko na namang nakita. “Hindi na ito biro” ang naisambit ko sa aking sarili. Napahinto ako sa aking paglalakad. Nag dalawang isip akong tumawid sa tulay dahil sa takot sa misteryosong matanda na wari bagang hinihintay ako sa aking pagdating. Sa ikalawang pagsilay ng liwanag ng kidlat. Muling nanoot sa akin ang takot ng ito'y nakatitig sa akin, walang akong magawa, ito lang ang tanging daan patungo sa bayan. Sumagi rin sa isip ko na magbalik sa kakahuyan ngunit lubhang mapanganib dahil masungit ng panahon. Inisip ko ring magtago sa mga puno pero tiyak na makikita niya rin ako. Hinintay kong sumilip muli ang liwanag ng kidlat upang tiyakin kong totoo na ang aking nakikita o baka naman guniguni ko lamang. Sa pagkakataong iyon waring hindi nagbibiro ang katotohanan. Pagsipat ng ikatlong liwanag ng kidlat, tunay na naroon siya. Nag iwan ako ng isang malalim na buntong hininga at maya maya'y marahang umusad ang aking mga paa patungo sa kanyang kinalalagyan. "Bahala na.” ang bulong ko sa sarili habang inihahanda ko ang aking diwa sa maaaring mangyari. Humigpit na rin ang pagkakakumo ng aking dalawang kamao na hindi nalalaman kung anong magagawa ng aking lakas. Tibay ng loob at pananalig sa Panginoon ang aking naging sandata. May sampung hakbang na lamang ang nalalabi, waring napakabigat ng aking mga paa sa paghakbang pero pinilit kong humarap sa gitna ng takot. Pitong hakbang...anim... lima ...apat...tatlo....dalawa at isa. Oo halos ang aming mga balikat na lamang ang aming naging pagitan. Katabi ko na ang kinatatakutan kong babae sa Golgota. Hindi ko maipaliwanag ang mga pangyayari, gusto ko nang kumaripas ng takbo, sumigaw pero hindi ko magawa .May kung anong kapangyarihan ang pumigil sa akin sa pagtakbo at sa pagsigaw. Para bang napipi at nalumpo ako sa pagkakataong katabi ko ang matanda. Ayaw kong siya'y tingnan man lamang, ngunit iyon lang ang aking magagawa ang isulyap ng aking mga munting mata sa paligid. Maging ang aking mga kamay ay di ko maikilos. Nagsimulang tumulo ang aking pawis sa aking mukha. Sobrang takot at di mabilang na kalabog sa dibdib ang aking naranasan. Nakikiramdam ako sa mga posibling mangyari. Nagsawalang kibo ako na umabot ng dalawang minuto na katabi siya. Ilang saglit pa ang lumipas, naramdaman kong humakbang siya ng isang hakbang patalikod na sapat na upang makita ko muli siya ng harapan. Nakatungo ako noon dahilan sa takot. Naglakas loob akong iangat ang aking mukha na lalong humigpit ang pagkakakumo sa aking mga kamao. Kasalo ang malakas na buhos ng ulan at mabalasik na hangin. Ang nakabibinging mga kulog at ang napakatalim na ulos ng kidlat. Sa ikatlong pagkakataon ay nakita ko muli ang kanyang kagilagilalas na anyo. Narinig kong lumabas sa kanyang labi ang salita na labis na nagpahina ng aking katawan. "Ikaw..." "O gising na…nasa San Juaquin na tayo..."wika ng konduktor . "Haahh...panaginip muli...(buntong hininga) lagi na lang akong binabalikan ng bangungot." ang bulong ko sa sarili. "Princess...gising na ....narito na tayo." "Ganon ba ...ang haba ng tulog ko..." “Oo nga...halika na, baba na tayo." Agad namang napawi ang aking takot ng makita ko ang magandang mukha ni Princess na pumupungas pungas pa sa kanyang pagkakaidlip. Hindi kalayuan sa aming binabaan, agad kaming sinalubong ng aking mga kamag anak. Halos nakatingin sa amin ang aking mga kanayon habang papalapit kami sa aming bahay. Nagulat pa nga ang aking mga magulang ng bigla akong dumating na wala man lamang pasabi. "Itay...inay...mano po (tanda ng paggalang) si Princess po kasama ko. "Magandang umaga po sa inyo." "Tuloy kayo, kumain na ba kayo.?(nag-aalalang wika ni inay) "Wala ka man lang pasabi na pupunta ka dito, dapat nasundo ka namin." wika ni itay. "Hindi pa po kami kumakain, wala po yon itay, gusto ko nga po talaga kayong masurpresa, si Obet po, kumusta napo siya? " "Si Obet kamo yung lagi mong kalaro, matagal na siyang patay. Isang linggo makaraan na ikaw'y umalis namatay na siya...."pagmamadaling sabi ni inay. "Ha...(nagulat ako sa aking narinig) Saan po siya inilibing?" Natahimik sila sa tanong ko na parang ayaw ipaalam sa akin ang dako na kanyang pinaglibingan. Sa halip pilit na binago ni inay ang aming usapan. Kinumusta niya ang aking pag aaral, pati ang tungkol sa amin ni Princess ay inusisa ng aking mga magulang. Ngunit kapag patungkol na kay Obet ayaw na nilang buksan ang usapan, para sa kanila ito'y isang wakas na kabanata ng isang aklat na hindi na dapat pang balikan. Matapos kaming kumain, niyaya ko si Princess na mamasyal at ipakilala sa aking mga kamag-anak. Una kong nakita si Tandang Ambo na naghahasa ng kanyang kinakalawang na itak. Tulad ng dati, mahilig kong makita si Tandang Ambo na nag iisa. Kung sabagay wala naman siyang mga anak at matagal ng patay ang kanyang minamahal na asawa. "Mang Ambo…Mang Ambo...kumusta na po? (habang kami'y papalapit sa kanyang kinauupuan.) "Sino ka ba iho....."(usisa niya sa akin) "Si Junior po...anak ni ka Cesar." O Junior...kaylan ka pa dumating, aba't ang ganda niyang kasama mo." "Mang Ambo naman....si Princess po kaibigan ko." "Magandang umaga po." wika ni Princess sabay ang pagsiko sa aking sikmura. "Upo kayo, ba't bigla kang napasugod, tapos ka na bang mag aral.?" "Isang sem na lang po. Eh Mang Ambo may problema ako kaya napasugod ako rito at gusto kong dalawin si Obet. Saan po ba siya iniling eh ayaw sabihin ni Itay.? Tinitigan ako ni Tandang Ambo at napahinto sa kanyang paghahasa. Nagsimula siyang magkuwento nang mga panahon wala ako sa Bayan ng San Juaquin. Matagal na rin palang patay si Obet. Isang linggo matapos akong umalis sa aming baryo agad na namatay ang aking kaibigan sa tindi ng kombulsiyon. Nalungkot ako sa aking narinig sa pagsasalaysay ng matanda. Naalala ko pa dati, na sa tuwing umaga’y lagi kaming nakikipagkwentuhan sa kanya. Napakasarap n’ya kasing magkuwento lalo na kapag sinasalaysay niya ang kanyang kabataan. Lagi n’ya rin kaming pinapaalalahanan na maging mabuti sa aming mga magulang. Kaya’t di katakataka na napalapit kami ni Obet sa kanya at ngayon sa alaala ko na lamang babalikan ang lahat. Kaya’t naglakas loob akong sabihin sa kanya ang dahilan ng aking pagbalik sa nayon. “Mang Ambo, naalala pa po ba ninyo nang minsan ay inabot kami ni Obet sa daan sa paglalaro sa kakahuyan. Naalala ko pa nga ang naging reaksiyon niya ng sabihin ko na galing kami doon sa sementeryo.”
“Oo hinding hindi ko nga malilimutan iyon.” wika niya habang abala muli sa kanyang paghahasa ng itak. “May kinalaman po kasi iyon sa problema ko.” Marahang huminto si Mang Ambo sa kanyang ginagawa at humarap sa akin. “Sige sabihin mo sa akin ang iyong panaginip.” “Bakit alam po ninyo na ang problema ko ay tungkol sa panaginip.” “Hinihintay ko talaga na sabihin mo yan, sayang nga at hindi na sa akin nasabi ni Obet ang kanyang nakita sa Gotgota. Mapalad ka nga dahil sa panaginip mo lang siya nakikita.” Hinawakan ako ni Princess sa braso tanda na siya’y natatakot. Nagsimula akong magkuwento kay mang Ambo. Kung papaanong paulit ulit kong nakikita sa aking panaginip ang misteryosong matandang babae sa lumang sementeryo. Isa isa namang sinagot niya ang aking mga panaginip. “Ang dalawang bata na nakita mo sa iyong unang panaginip ay kayo rin ni Obet. At isa sa inyo ang unang mamamatay sa kung anong dahilan ay hindi ko alam. At kay Obet nga naganap ang kapalarang iyon. Marahil siya ang unang nakakita don sa matandang babae sa Gotgota. “ Sa iyong ikalawang panaginip, nakita mong pilit kang hinahabol ng babaeng yon. Nagpapakita lang na kahit na nasa malayo ka babalikan ka ng iyong kahapon hangga’t hindi mo ito hinaharap. Ilayo ka man ng iyong mga magulang, ngunit alam kong alam nila na babalik ka rito at ngayon ay araw na iyong haharapin ang sigwa ng iyong kahapon….” “At sa ikatlong panaginip, dapat magkasama kayo ni Obet sa muling pagbabalik sa Golgota, pero wala na siya. Siguro si Princess ang iyong makakatulong sa pagkakataong ito at sa tulay ng kamatayan, matatapos ang lahat na hindi mo nakita sa yong panaginip. Alam mo paulit ulit kong hinahasa ang itak na ito para magamit sa takdang panahon. At ikaw ang karapat-dapat na gumamit nito kaya heto tanggapin mo. Makakatulong iyan sa iyo. Mamayang gabi, puntahan mo na siya, matagal ka na niyang hinihintay upang putulin ang bangungot ng kahapon.” (inabot nya ang itak sa akin at tinanaw ang dakong kakahuyan) Hindi naman ako nagdalawang isip na tanggapin ang kanyang ibinibigay. Nagliwanag ng bahagya ang magulo kong isipan ng sandaling iyon. Isang di pangkaraniwang bagay na mahirap paniwalaan na ang akala ko’y sa pelikula ko lang napapanood at sa komiks ko lang nababasa. Alam kong hindi na ako nananaginip sa mga oras na iyon. At sa ayaw ko’t sa hindi dapat kong sundin si mang Ambo upang wakasan ang masalimuot na bagay na ewan ko kung ako’y magtatagumpay. “Junior, ang matandang babae na nakita ni Obet sa kakahuyan at ang babaeng nakikita mo sa iyong panaginip ay iisa lamang , siya si Mizpa ang aking nasirang asawa.” “Ha, bakit.?”(nagkatinginan na lamang kami ni Princess.)
Ibinaling muli ni mang Ambo ang kanyang tingin sa amin at muli pa’y naupo . “Mahal na mahal ko si Mizpa.” wika niya. Pero sa hindi inaasahang pangyayari, pinawian siya ng buhay matapos mailuwal ang aming anak na sa kalauna’y pumanaw din may apat na pu’t limang taon na ang nakalilipas. Hindi ko alam kung bakit sya pa ang tanging babae na ngayo’y kinatatakutan sa ating Baryo. Bilang nakatatanda sa Baryong ito, ipinagbawal naming ang papunta sa Golgota. Iyon marahil ang dahilan kung bakit namatay si Obet. Ang sinumang nakakakita kay Mizpa ay pinapawian ng buhay dahil sa takot at maging sa panaginip ay maaaring siyang magkita. Isa lang ang aking natitiyak, kailangan mo nang tapusin ang kanyang ilusyon at mamayang gabi mo ito sisimulan. “Paalam Junior.” biglang tumalikod si mang Ambo at naglakad palayo sa amin. Mahirap paniwalaan ang lihim na aking natuklasan nang gabing iyon. Pero sa pagkakataong iyon kailangan kung subukan ang isang hamon ng tadhana. Hindi na ako nag aksaya ng panahon, agad naming tinahak ni Princess ang masiit na kakahuyan. May pangambang namutawi sa aming kalooban, halata kong natatakot si Princess pero pilit niya itong nilalabanan. Iyon ang nagustuhan ko sa kanya, na handang harapin ang hamon ng buhay. Wari bagang nagbibigay pa ng lakas ng loob ang matatamis na mga ngiti ng aking mga kanayon habang sila’y aming nasasalubong. Marahil alam nila ang pakay naming sa gabing iyon. Sa aming paglalakad sa gitna ng kagubatan na ang tanging gabay ay ang liwanag muli ng flash light na hawak ni Princess. Lalong humigpit ang pagkakahawak ko sa kanyang kamay habang kami’y papalapit sa Gotgota. Inaasahan ko na, na bubugso ang mabagsik na hangin sa kagubatan, ang nakayayanig na mga kulog sa kalangitan, ang naglalakasang buhos ng ulan at ang hagupit ng kidlat na mula sa kung saan na malabis na nagpahina ng aking kalooban sa aking panaginip. Ngunit ang lahat ng iyon ay hindi ko nasilayan. Malumanay ang mga ihip ng hangin, masagimsim ang buong paligid. Tahimik kong pinakikiramdaman ang bawat kaluskos mula sa kung saan. Walang ingay ang bawat puno na ang tanging ginagawa’y magmasid lamang sa amin. Nakita ko ang kaunting liwanag ng buwan na sapat na upang magbigay ng kaunting pag-asa sa aming paglalakbay. May gabay kami sa aming pagtungo sa kawalan, ang kanyang liwanag. Kakaiba ang gabing iyon, na hindi ko man lamang nakita sa tatlo kong panaginip. Pakiramdam ko’y payapa kaming bumabagtas sa Golgota, ngunit hindi ko maitatago na mayroong kaba sa aking dibdib. “Aray. (nang matalisod si Princess sa isang lumang nitso.) “O ano, nasugatan kaba.?”usisa ko sa kanya. “Galos lang ito.”(habang hinihipan ko ang kanyang tuhod) “ Tara na, nasa Golgota na nga tayo..” Unang tinungo namin ay ang higanteng puno ng Acacia na nakita ko na sa aking panaginip. Sapagka’t sa punong iyon unang nagpakita si Mizpa sa akin. Habang tumatahak sa ibabaw ng mga lumang puntod na syang tanging daan. Maya maya’y nakita na naming ang higanteng patay na baliteng nakahandusay sa lupa. Dito ako noon nakaupo habang nag iisip sa aking kabataan, dito rin kami nagpahinga ni Obet sa ikatlong kong panaginip at sa lugar ding iyon, nakita ko ang dalawang lalaki na masayang naglalaro nang ang mga iyon ay kami ring dalawa ni Obet. “Ayon John, iyon ang puno ng Acacia diba?” Napalingon ako sa dakong itinuro ni Princess . “Oo, tama tara puntahan natin” Marahan naming tinungo ang punong iyon na may pag iingat, handa na ako sa lahat ng maaaring mangyari na lalo pang humigpit ang pagkakahawak sa itak na ibinigay sa akin ni mang Ambo at sa kamay ni Prncess. Iginala niya ang liwanag ng flashlight sa kabuuan ng Acacia. Ngunit bigo kami, wala kaming nakita.Tulad ng huli kong panaginip, dito ko hinanap si Obet ng hindi na siya bumalik sa aming tagpuan. “ Doon tayo sa tulay.” wika ko. Naging sunud sunuran sa akin si Princess, mainiping tao sya, may pagka suplada pero ibang Princess ang kasama ko. Napansin ko sa kanya na kahit pagod na siyang maglakad naroroon pa rin ang kanyang kopyansa sa sarili. Lalo syangnaging malambing sa akin at naging maaalalahanin sa bawat sandali. Alam kong hindi niya ako iiwan sa gitna ng aking laban, laging handa siya na ako’y tulungan sa abot ng kanyang makakaya. Natanaw ko na ang dulo ng tulay, may ilang hakbang pa’y nasa kabilang dulo na kami. Mainam naming pinagmasdan ang pambihirang pagkakayari ng tulay na iyon. Doon ko nakita ang tunay na anyo ng tulay na yari sa makakapal na baging mula sa kagubatan. Makikita na may katandaan na rin ang tulay na ito na payapang nakikiramdam kong sinong dadaan sa kanya. “Mula ng namatay si Mizpa hindi na siguro sila dumaan ditto, ano sa palagay mo John?” “Marahil tama ka. Upo muna tayo.” “Bakit, hindi ba tayo tatawid?” “Hindi, hihintayin na lang natin syang magpakita.” Naupo kami sandali, itinabi ko muna ang hawak kong itak sa bato malapit sa amin. Nagsimulang naglayag ang mga alalahanin ng kahapon sa aking isipan. Gumuhit sa aking alaala si Obet, kung buhay sana siya tatlo kaming haharap kay Mizpa. Sumandal sa aking balikat si Princess, hinubad ko ang aking jacket at ipinasuot sa kanya. Tinitigan ko muli ang kanyang maamong mukha, napansin ko na gusto nang umidlip ng kanyang mga mata. “Salamat ha.” “Salamat saan?” “Dahil sinamahan mo ako rito.”
“Wala yon syempre, kung saan ka naroon asahan mong naroroon din ako para sayo.” (habang nilalaro ang liwanag ng flashlight) Wala akong maiganti sa kanya kundi ang isang makahulugang halik sa pisngi. May kalahating oras na rin kaming nakaupo sa isang dako ng dulo ng tulay .Naghihintay sa di naming inaasahan kung darating. Yakap yakap ko si Princess habang nag-iisip sa mga nangyari. Habang abala pa rin si Princess na nilalaro ang liwanag ng flashlight. Sa kanyang paglalaro nadaanan ng liwanag ang kapirasong bahagi ng tulay. Inusbungan ako ng di maipaliwanag na kaba, di ko pinansin iyon marahil dala lang ng aking antok. Sinilip ko ang aking relo, magaala una nap ala hating gabi. Sa ikalawang pagdaan ng liwanag ay nakita ko na ang kanyang anyo na papalapit sa amin. Inagaw ko kay Princess ang flashlight at napatayo. Itinutok ko ang liwanag sa dakong dulo ng tulay. Sinundan ako ni Princess upang tingnan ang aking tinatanaw. Doon muli sumambulat ang nakakatakot na mukha na sa guniguni ay ayaw ko nang makita. Napasigaw si Princess sa takot habang lumalapit sa aming kinaroroonan. At sa sobrang takot niya sa kanyang nakita siya’y nawalan ng malay. Agad kong siyang sinalo at ikinubli sa mainam na dako. At sa muling pagsilay ko sa tulay ay lalong bumilis ang kalabog sa aking dibdib ng sya’y unti unting lumalapit sa akin. Sumagi sa isip ko ang sinabi ni mang Ambo. “Ngayong gabi hinihintay ka niya at ngayong gabi mo puputulin ang bangungot ng iyong kahapon.” “Tama ang itak.” Hinanap ko ang itak na ibinigay sa akin ni mang Ambo. Mabilis kong tinungo ang kabilang dulo ng tulay at sinimulang hampasin ang makapal na baging na nag-uugnay sa magkabilang dulo ng tulay. Hindi ko tinigilan ang paghampas hangga’t hindi napuputol ang makakapal na baging. Muling pinagpawisan ako na lalong nadagdagan ang takot nang mapansin kong may halos sampung hakbang na lang ang aming pagitan. Kung sa aking panaginip ay nakita ko ang kanyang kakila kilabot na anyo, pero sa puntong ito mas higit na nakakatakot ang kanyang hitsura. Nayayanig ang tulay sa bawat pagdaiti ng matalas na itak, sa pundasyon ng tulay. Oo, anim na hakbang na lamang ang aming pagitan. Siguro ito na ang huli kong pagkakataon na makita ang kanyang anyo ng malapitan. Di ko maipaliwanag ang nadarama kong takot. Binalak kong ihinto ang pagputol sa pundasyon ng tulay at tumakbo na lamang pero hindi maaari. Kailangan kong harapin ang katotohanan ng isang bangungot ng kahapon. “Limang hakbang, apat hakbang, tatlong hakbang, dalawang hakbang…” Ako’y napasigaw ng malakas at s’ya ring huling hampas ko sa baging na s’yang haligi ng aking kinatatakutan. Napapikit na lamang ako sa takot. Itinigil ko na ang paghampas sa tulay nab aging at nakiramdam na lamang nang walang nakikita. Naririnig ko ang isang langingit na waring may isang malaking bagay na nahuhulog. Dahan dahan kong iminulat ang aking mga mata, at doo’y nakita kong napatid ko ang tulay na kasamang bumagsak ang babaing kinatatakutan ng aking imahinasyon. Nakahinga ako ng malalim na pawisan ang buo kong katawan at waring hingal na hingal sa nagyari. Iginala ko ang aking mga mata at naiusal kong bigla.
“Sa wakas natapos ko na.”
Kasama ng pagguho ng tulay sa kawalan ay ang pagguho rin ng aking kinatatakutang bangungot, ipinukol ko na lamang sa kawala ang hawak kong itak. Agad kong hinanap ang kinaroroonan ni Princess upang yayaing umuwi at sabihing natapos ko na ang misyon ko sa gabing iyon. Di ko sinasadyang mapatingin ako sa isang matayog na punong kahoy at sa ibaba niyao’y nahiwagaan ako sa aking napansin. Dinala ako ng aking mga paa sa dakong iyon upang usisain ang nakatagong hiwaga. Sa tulong ng dala kong flashlight nakita ko ang isang kalansay na nakasandal sa punong kahoy. Muling nagbalik sa aking gunita ang ikalawa kong panaginip. Tama sa punong ito, ako’y napahandusay ng natalisod ako sa isang bato habang hinahabol ng misteryosong babae sa kakahuyan. Ganitong ganito ang ayos ko ng ako’y lapitan ni Mizpa sa aking panaginip. Ngunit ang namuong malaking katanungan na naglaro sa aking isipan ay kung sino ang taong ito na pinatay ni Mizpa sa takot. Maya maya’y may tinig akong narinig. “Psssssssssst…………” Napalingon agad ako sa aking narinig at ako’y nabigla sa aking nakita. May nasilayan akong isang babaing nakaputi na waring nakalutang sa hangin na may limang dipa ang layo mula sa akin. Inusisa ko ang kanyang mukha habang unti-unti niyang iniaangat ang kanyang ulo. Napansin kong may dumaloy na dugo sa kanyang maamong mukha. Napapikit ako sa pag-aakala na ilusyon lamang ang aking nakikita. At nang ako’y muling dumilat hindi sya naalis sa aking paningin at marahan kong nasabi sa aking sarili . “Pri…Princess.”