emanila archived page
emanila.com - the portal site for all emanilagroup and pinoy websites :: Filipino community
Live Help Today's date:
Literary 515x60

Articles

Mga Basag na Pangarap ni Armando
Rey Tamayo Jr.


Walang humpay ang pagtulo nang namumuong pawis sa aking mukha. Mainit ang buong paligid sa pagkakataong iyon. Maaliwalas ang himpapawid na wala man lamang naligaw na kahit isang kumpol ng ulap na ipang kukubli sa kay tinding sikat ng araw.

“Kailan pa kaya ako makaaalis sa mala-impyernong lugar na ito,” bulong ko sa sarili sabay ang pagdaiti ng kapirasong tuwalya sa aking mukha.

“Pagod ka na ba, Arman?” wika ni Andres, ang nag-iisang kababata ko at katu-kaulong sa paggagapas ng palay sa aming bukirin.

Unti-unting umusad ang aking mga paa patungo sa isang mayabong na puno ng mangga at nagpahinga ng sandali. Agad din namang sumunod sa akin si Andres sa lilim ng punong iyon.

“Pagmasdan mo ang malawak na kapatagan ng San Cristobal. Makikita mo ang mayayabong na palay sa bukid na sa tulong ng makikisig na araro at mga matitipunong kalabaw ay may maganda tayong ani.”

“Palay… araro…kalabaw…palay…araro…kalabaw…Hindi ka ba nagsasawa sa mga ito, Andres?”

“Anong ibig mong sabihin Arman?”

Tuluyan akong nahiga sa mga makakapal na damo na nilulukuban ng lilim. Ipinatong ko ang dalawang kamay sa aking mga mata na waring nag iisip ng malalim. Panandaliang pinawi ng isang sigwit na simoy ng hangin ang aming usapan.

“Kay sarap ng ihip ng hangin. Sana’y parating ganito,” wika ni Andres na nakasandal sa puno ng mangga na pinagmamasdan ang buong paligid.

Marahan akong tumayo, dumampot ng isang pirasong bato at ipinukol sa malayo.

“Kailan pa Andres? Kailan pa na hindi na tayo tatamaan ng kay tinding sikat ng araw? Kailan pa natin bibitawan ang mga ararong sunod-sunuran sa kalabaw? Dumating pa kaya na hindi na tayo tatamsikan ng mga putik sa daanan?”

Waring bumalikwas ang tingin ni Andres sa aking mukha. “Arman, huwag mo nang pangarapin iyan. Hindi na tayo makaaalis dito.”

Nayanig ang aking pagkatao nang marinig ko ang yagkis ng mga pananalita ni Andres. Naniniwala akong darating ang isang pagkakataong mababayaran din namin ang aming pagkaka-utang kay Don Joaquin. Bata pa ako nang mamulat ang aking isipan sa kahirapan. Lagi ako noong isinasama ni itay sa bukid ngunit sapat na iyon upang makaraos kami sa pang araw-araw na pangangailangan. Sa pagsusumikap ng aking ama na mabigyan kami ng maalwan na pamumuhay, halos araw-araw siyang kumakayod ng araro sa maputik na bukirin ng San Cristobal. Di alintana ang init ng araw at mga pawis na kumikitil ng lakas ng sinuman. Balak pa nga ni itay na papagtapusin ako ng abogasya sa isang sikat na Unibersisdad sa Maynila, ngunit ang lahat ng ito’y naglaho. Naglaho na kasabay ang paglubog ng araw sa bulubindukin ng aming bukid.

Sabik na sabik ako noon na dumating ang huling linggo ng buwan upang doon ipagpatuloy ang aking pag-aaral sa kolehiyo. Di rin ako pinaiidlip ng aking kasabikan sa tuwi-tuwina. Inisip kong iyon ang pinaka masayang araw ko sa San Cristobal. Mag-aaral ako ng mabuti at pagsisikapan kong makatapos kaagad ng kolehiyo. Pipilitin kong maging isang mahusay na abogado. Pagkatapos niyao’y babalik ako sa lupang aking sinilangan. Kukunin ko ang aking pamilya at sa Maynila maninirahan. Pagagawaan ko sila ng magandang bahay, bibigyan ng di mabilang na katulong at masasarap na pagkain.

Di ko na hahayaan na masikatan nang kay tinding sikat ng araw si itay sa gitna ng walang hanggang pag-aararo. Patitigilin ko na rin si inay sa paglalaba ng mga damit ng aming mga kapitbahay. Lagi na silang kakain ng masasarap na pagkain sa hapag kainan na kapiling ang malamig na hanging nagmumula sa air con. Hindi na muling tutulo pa ang pawis sa kanilang mga mukha.

“Ilang araw na lang at iiwan mo na ako pati itong bukid,” wika noon ni Andres.

“Hayaan mo’t babalikan kita. Promise ‘yan.”

Ngunit ang araw na aking pinakahihintay ay naging isang bangungot. Isang malagim na pangyayari na sa guni-guni ko’y hindi man lamang sumagi sa aking isipan. Mapait ang isinukli ng tadhana sa aming pamilya. Nagkaroon ng malubhang karamdaman si itay na ayon sa doktor ay kinapitan siya ng tuberculosis. Sa pangyayaring iyon tila nabasag ang mga minimithi kong mga pangarap. Ipinantustos lamang sa pagpapagamot ni itay ang naipon naming pera. Maging ang aking pangmatrikula at pamasahe ay nauwi sa gamot na kakailanganin ni itay sa kanyang sakit. Nabakante nang mahigit dalawang buwan ang bukid. Inisip ko na lamang na huwag nang lumuwas ng Maynila upang mag-aral. Bagkus ay ipagpatuloy ang naiwang pagsasaka ni itay upang makatulong sa kanyang pagpapagaling.

Gabi-gabi’y dinadalaw ako ng aking pangungulila. Isang ala-ala na lang ang tumambal sa aking isipan: Panaginip. Oo, sa panaginip ko na lamang makikita ang aking sarili na naka uniporme ng isang damit pang kolehiyo, may dala-dalang notebook at sign pen. Ngunit kapag dumarating na ang sinag ni haring araw, kaagad na pinapawi ang kay gandang panaginip ko at nababahiran ng isang katotohanang ayaw ko nang isipin pa. Napipilitang bumangon ang hapo kong katawan upang bitbitin ang bomba ng fertilizer at hindi bag na pamasok sa paaralan, hawakan ang araro at hindi ang sign pen, lumakad kasunod ang matandang kalabaw at hindi patungo ng library. Lagi kong sinasalunga ang kay tinding sikat ng araw na anupa’t ang dulot nito’y namumuong pawis ng kalumbayan. Pangarap na lamang pala ang makapasok sa isang lesson room at makinig sa isang propesor na napaka galing magturo at magpaliwanag ng batas ng ating bansa kasalo ang mga ka-eskuwela. Mga tigang na luha ang pumapatak sa aking pisngi sa tuwing naiisip ang nangyaring trahedya sa aking moog na puso. Mga makahulugang hininga ng mapaglarong tadhana.

“Hoy Arman, ang lalim yata ng iniisip mo,” kasabay ang pagtapik sa aking balikat ni Andres.
“Oo nga pala bago ko malimutan, darating daw ang anak ni Don Joaquin galing Amerika at dito magba-bakasyon sa San Cristobal doon sa kanilang hacienda.”

Nahimasmasan ako ng bahagya sa narinig kong balita buhat kay Andres.

“Alam mo Andres, napaka gandang dalaga raw ng nag-iisang anak ni Don Joaquin. May nakapagsabi na parang pinagbiyak na bunga siya at ang kanyang yumaong ina na si Donya Criselda,” dugtong ni Andres habang nakatingin sa alapaap na pinagmamasdan ang mga kumpulan ng mga ibon sa himpapawid.

Pinagmasdan kong mainam si Andres na para bang nangungulila ang kanyang maamong mukha. Maagang iniwan at inulila si Andres ng kanilang ama nang ito’y makisama sa ibang babae. Panganay sa tatlong magkakapatid si Andres at dahil sa kahirapan ng buhay napilitan ding iwanan sila ng kanilang ina upang makisama rin sa ibang lalaki. Naiwan sa San Crsitobal ang mga kapatid ni Andres na namimighati sa mga nangyari.
Pinilit ni Andres na buhayin ang kanyang dalawang kapatid na babae ngunit sa kawing-kawing na pananalasa ng kalupitan sa buhay ng aking kaibigan, siya’y nabigo. Pinawian ng buhay ang kanyang bunsong kapatid sa tindi ng gutom at sa kay taas na temperatura na nagkombulsiyon ito na sanhi upang ikamatay niya agad. Hindi rin nakaligtas ang nakababatang kapatid ni Andres sa malupit na sigwa nang mapasakamay ng mga lalaking may masasamang adhikain sa pagkadalagita ni Lea. Winalang puri ang isang birhen ng mga ahas na nakukubli sa kadiliman ng gubat na hanggang sa ngayon ay di mawari kung saan siya naroroon. Kaya’t tulad ni Andres, kung papaanong siya’y sumuong sa napakaraming mga kalumbayan na nagdulot ng mga bigong pag-asa ay nananatili pa rin ang tibay ng loob sa mga kasawiang nangyari.

“May problema ka ba Arman? Kanina mo pa hindi pinapansin ang mga pinagsasasabi ko,” usisa ni Andres.

“Ha…? Wala. Ano nga pala ang pangalan ng dalagang anak ni Don Joaquin?”
“Pangalan kamo? Teka lang…iisipin ko…”

Napatayo si Andres at naglakad nang bahagya na pinagmasdan ang paligid at nagsabi,
“Aha! Eloiza…Tama! Eloiza raw ang kanyang pangalan.”

“Si Eloiza…”

“Oo, Eloiza. Bakit Andres, kilala mo ba siya?”

“Ha…? Hindi…”

Hindi ko na lamang inusisa ang tanong ni Andres sa akin.

“E kailan ba ang dating ng dalagang sinasabi mo?”

“Ang bulong-bulungan sa nayon, mamayang gabi raw.”

“Ah ganoon ba…” Napatingin na lamang ako sa kawalan.

“Tiyak na pagkakaguluhan ang dalagang iyon sa kanyang kagandahan. At alam mo ba Arman, mapansin lang ako ni Eloiza ako na malamang ang pinaka masayang tao sa buong mundo. Mantakin mong siya ang kaisa-isang tagapagmana ng lahat ng kayaman ni Don Joaquin. Siya na ang magiging bagong amo natin, pare.”

Hindi na lamang ako kumibo sa mga sandaling iyon at pandaka’y nanginig ang buo kong kalamnan ng marinig ko ng pangalang Eloiza na siyang magiging bagong amo namin. Sumagi sa isip ko ang damdaming paninibugho. Bagama’t isang hubad na katotohanan na hindi maaaring takasan ang isang tulad kong hampas lupa. Dumating ang pagkakataon na kami’y nasukol ng matinding kakapusan sa pera. Nalimas na halos ang ultimo singko sentimos na nasa bulsa ng aking ina. Kaya’t napilitan kaming isanla kay Don Joaquin ang lupang ipapamana sa akin ng aking mga magulang. Maging ang kapirasong lupa na naiwan sa mga kamay ni Andres ay nasa kapangyarihan na ng maharlikang si Don Joaquin Cristobal. Kaya’t heto kami ngayon ni Andres, nagpapakapagal, nagpapakapagod sa pag-aararo sa malawak na lupain na dati naming pag-aari. Anupa’t ipinadpad sa kaitaasan ng mga kuko ng puganteng lawin ang aming natitirang kayamanan.

Dalawang taon na naming sinasaka ang lupa na binubukalan ng kay raming poot at galit sa puso. Kami’y nagpapatulo ng mga pawis na sa kalauna’y nababahiran ng mga dugong kumukutkot sa marurupok na diwa sa pagitna ng mga taong inapi ng kapalaran. Mahaba-habang pagtitiis na rin ang nararanasan naming sa masalimuot at makitid na mundong aming ginagalawan. Ang tangi naming magagawa ay magpatulo ng luha.

“Halika na Arman. Ipagpatuloy na natin ang panggagapas ng palay para maaga tayo makauwi,” wika ni Andres.

“Mabuti pa nga,” ang sagot ko.

Walang humpay ang aming pagtatrabaho hanggang sa lipasan kami ng napakaraming alalahanin sa buhay. Unti-unti nang pumapanaw ang malumid na sikat ng araw. Nagbabadya na si inang kalikasan na siya’y magpapaalam na pansamanata. At tulad ng insaaasahan muli pa’y kumubli na ang kay bagsik na mukha na labis na nagpahirap sa akig kalooban. Oo, tuluyan na ngang naglaho si haring araw na nahihiya sa ginawang pasakit sa aking pagkatao.

“Bukas na lang natin ipagpatuloy ang ibang gawain,” bulong ni Andres.

“Sige,” ang aking pagsang-ayon. “ Pagod na rin naman ako.”

Dali-dali kaming lumusong sa isang bukal na di kalayuan sa aming kinalalagyan upang maglinis ng katawan na binaluan ng alabok at putik, nag-ayos ng sarili na wari bagang nililimot ang kay bigat na gawain sa raw na iyon.

“Hindi mo ba dadalhin ang karit at ang panggapas mo?” Tanong ko kay Andres.

“Hindi muna… Kahahasa ko pa lamang naman niyan noong isang araw.”

“Ganoon ba… E itong sa akin mukhang kailangang makita si panghasa. Matagal na silang hindi nagkikita e. Sa wakas magkikita na ang magasawang karit at panghasa para magsiping. Ha ha ha!”

Natawa din ako ng bahagya sa naiusal ni Andres.

“’Yan… nakita rin kitang tumawa sa araw na ito. Samantalang kanina e hindi maipinta yang pagmumukha mo.”

“Tama na nga iyang pang-aasar mo. Halika na’t malayo pa ang lalakarin natin.”

“Oo nga at tamang-tama Arman. Baka makita natin si Eloiza sa bayan. Ngayong alas-onse ang dating niya.”

Nilisan namin ang nakabibinging bukirin ng San Cristobal na batbat ang sagimsim ng paligid. Binagtas naming ang masukal na daan patungo sa bayan. Naramdaman na rin ng aming mga katawan ang kay lamyang hampas ng hanging amihang nagmumula sa hilaga. Mga huni ng kuliglig at mga palaka ang maririnig sa aming paglalakbay.

“Hindi mo maintindihan ang ating kalikasan. Kanina’y napakatindi ng sikat ng araw, napakainit. At ngayon nama’y nilalamig na ako sa mga hampas ng hangin.”

“Ganito ba talaga ang kalikasan… pabag-bago?”

“Buti pa ang kalikasan, nagbabago ng istruktura sa bawat panahon. Ngunit ang kalagayan ng tao…” Sabay ang malalim na pagbugtong hininga. “Minsan parang gusto ko nang maniwala na ang mahirap ay mamamatay na lalo pang mahirap samantalang ang mga mayayaman, nagpapasasa sa buhay na ito na taglay ang kanilang kayamanan. Hindi mo puwedeng pagsamahin ang langit at lupa. Busabos ang tingin sa atin ng mga mayayaman at sila nama’y dinadakila sa kanilang kapangyarihan.”
“Ang lalim naman ng mga binanggit mong salita Arman. Ano bang ibig mong sabihin? Siguro kung natuloy ka lamang sa iyong pag-aaral ng abogasya, napakagaling mong abugado. Maipagtatanggol mo na ang mahihirap na tao dito sa San Cristobal. Pero wala tayong maggawa. E ako nga, walang kaplano-plano ang mga magulang ko sa aming magkakapatid. Sarili lang nila ang iniintindi nila.”

Nagpatuloy kami sa pagpapalitan ng mga opinyon at pananaw sa buhay. Mga marikit na pangungusap na ibinubulong ng aming puso upang ipahayag sa katahimikan ng panahon. Tanging ang alipin ang naka-unawa sa isang alipin na hinamak ng kapalaran. Tanging ang alipin ang naka-uunawa sa isa ring alipin samantalang ang mayayaman ay hindi mo masilip sa kanilang kataasan. Ang mga dukha’y kayang umintindi ng kalagayan ng kanyang panginoon samantalang iniiwas ang unawain ng mga maharlika ang kalagayan ng mga anak pawis.

“Matapobre pa man din si Don Joaquin. Gayon din kaya ang kanyang anak na si Eloiza?” Tanong ni Andres sa akin.

“Hindi ko alam,” aniya ko. “At sa totoo lang ay wala akong pakielam. Kailan man ay hindi ko ninasang mag-usisa sa mga mayayamang gumigipit sa mga maliliit na tao ng lipunan. Pare-pareho silang mapagpakunwari. Walang inatupag kundi magpayaman pa ng husto at ingatan ang kanilang mga salapi na akala mo’y laging may magnanakaw nito sa kanila,” paliwanag ko kay Andres.

“Hindi naman siguro lahat. May iilan ding naka-uunawa sa ating mahihirap,” wika ni Andres.
“Mananatiling bulag ang lipunang ito sa patuloy na pangdahas ng mga mayayaman. Wala pa akong makitang katwiran upang ipagtanggol ang mga mayayaman. Ngunit sa mahihirap, maraming dahilan upang ipagmalasakit sila. Nasaan ang mga mahistrado at mga hukom? Tila tinanggal na ang piring sa mata ng hustisya at mas matimbang na ang salapi kay sa katotohanan.”

“Bilib talaga ko sa pananalita mo Arman,” paghanga ni Andres sa kanyang kaibigan. “Isa kang abogado para sa akin.”

Nawasiwas ang kay inam naming usapan ng maaniag namin sa di kalayuan ang mga kumpulan ng mga tao sa bulwagan ng baryo. Narinig ko ang mga hiyawan ng aking mga ka-baryo. Naggalak at nagsasaya sa pagdating ng kanilang pinakahihintay na mutya ng San Cristobal. Ang pagdating ni Eloiza. Limang magkakasunod na kotse ang pumasok sa aming nayon. Nakita ko ang di mabilang na mga body guard ni Don Joaquin. Mayayabang ang kanilang pag-asta na akala mo’y kung sinong mga hari na ang totoo’y mga alipores lamang ng mag-amang Crsitobal. Di ako gaanong lumapit sa malubak na kalsada kung saan daraan ang sasakyan na lulan ang mga makapangyarihang tao sa baryo ng San Cristobal. Nagpupumilit naming nakisiksik ang kaibigan kong si Andres upang makita ang mag-ama. Nagkakagulo ang buong baryo sa pagdaan ng di mahawakang mga kotse sa pag-aari ni Don Joaquin. Naupo na lamang ako sa isang malapad na bato habang pinagmamasdan ang aking mga kanayon. Para bang isang dios na galing sa kung saan ang dumating sa aming lugar. Naalala ko tuloy and sinabi sa akin ni Andres. Mapansin lang ako ni Eloiza…ako na marahil ang pinakamasayang tao sa buong mundo. Kung sa bagay, talagang magkasalungat kami ng prinsipyo sa buhay ni Andres. May pride ako, na ang pride na iyon ang kumitil sa lahat ng pangarap ng isang tulad ko. Nagpasya akong umuwi ng bahay nang ako’y mainip sa paghihintay kay Andres. Maya-maya pa’y nakita ko na ang kalunos-lunos naming tahanan. Narinig ko ang walang humpay na paghagulhol na pag-ubo ni itay. Lalong bumilis ang bawat hakbang ng aking mga paa. Dali-dali kong pinanhik ang inaanay na hagdanan ng aming bahay. Binuksan ko nang marahan ang pinto. Doo’y naaninag ko muli ang patpating katawan ni itay sanhi ng kanyang sakit na TB.


“Kamusta na po ang pakiramdam niyo, itay?”

“Heto nahihirapan pa rin sa paghinga,” hapong pananalita ni itay.

“Si inay po… dumating na po ba?”

“Oo anak. Bumili lang ng gamut sa botika at makakain. Darating na marahil iyon Arman.” (humihingal)

Ilang sandali pa’y may nagbukas ng pinto at ang pinakamamahal kong ina ang aking nakita.
“O, anak, narito ka na pala. Akala ko’y mamaya pa ang dating mo?”

“E bakit naman po inay?”

“Nagkita kami ni Andres sa may kanto kung saan dumaan ang bagong dating na si Donya Eloiza. Nang hanapin kita sa kanya, ang sabi niya’y nasa kumpulan ka lang ng mga tao at nakikipanood,” wika ni inay habang inihahanda ang pagkain sa lamesa.

“Hay naku inay! Parang hindi niyo ako kilala. Wala kong panahon sa mga mayayamang nanggigipit sa mga mahihirap.”

“Ang abogado kong anak… nagsalita na naman,” kantiyaw ni inay sa akin.

“Di ba’t ang usapan natin kay Don Joaquin, isang taon lang namin sasakahin ang bukid! E mahigit dalawang taon na naming sinasaka ni Andres ang bukirin na iyon pero hindi pa rin naibabalik sa atin,” tumaas na bahagya ang aking tinig.

“Wala tayong magagawa…ohoo…ohoo… makapangyarihan at mayaman sila…ohooo…ohooo… kaya nilang baliktarin ang katotohanan sa pamamagitan ng kanilang salapi,” wika ni itay habang walang tigil sa pag-ubo.

“Hay naku! Ang ama ko talaga! Kumain na ngalang tayo ng pansit nalipasan lang kayo ng gutom.”

Natigil muli an gaming usapan na walang anu-ano’y pumanhik na si Andres na waring hinahabol ng mga kasabikan.

“O, ba’t nagmamadali kang makita ako e magkasama lang tayo kanina a,” biro ko sa kaibigan.
“Buti pa’y kumain ka na muna, Andres baka nalipasan ka na ng gutom,” pag-anyaya ng inay.
“Salamat po Aling Marta,” sagot ni Andres at agad na ako’y inakbayan at angwika ng marahan, “Pero alam mo raman, napakaganda talaga ni Eloiza. Walang kasing gandang dalaga.”

Tahimik kong pinakikinggan si Andres sa kanyang paglalarawan sa kagnadahan ni Eloiza. Naggawa kong magbingi-bingihan. Nias ko mang iwasang pag-usapan ag tungkol sa daolaga ngunit patuloy pa ring nanunuot ang mga katotohanang lalong gumigiit sa aking kaapihan.
“Oooops…sa ibaba mo na lang ikuwento ang gusto mong ikuwento,” wika ko kay Andres. “Dahil maghahasa ako ng karit na gagamitin ko bukas.”

Agad kong tinalikuran si Andres sa pag-aakalang matitigil na ang usapan hinggil sa dalagang si Eloiza. Dali-dali akong bumaba ng hagdan na bitbit ang isang panghasa at kinakalawang na karit pambukid. Ngunit hindi rin ako nakatakas sa mga nakatutulig na pangungusap ni Andres. Magpahanggang sa silong ng aming bahay, kung saaan ako naghahasa ng karit ay inuusig ako ng nakaririnding mga salita. Waring mga bulong na umaali-aligid sa aking pagkatao. Nagpatay malisya na lamang ako sa mga oras na iyon. Patuloy kong pinatatalim ang karit ng aking Ama sa pamamagitan ng paghahasa. Kung papaanong kinutkot ng kalawang ang talim ng aking pagkatao.

“Ang ganda ng magiging amo natin Arman…”

“Siguro mabait si Eloiza sa mahihirap…”

“Tiyak na maibabalik muli sa atin ang ating bukirin…”

Ang ilan sa mga katagang palagiang binabanggit ni Andres sa kanyang pagsasalita. Tuluyang lumalim ang gabi, hindi namin napansin ang mabilis na pagtakbo ng oras. Mga pangungusap na panandaliang lumimot sa aming pagod. Hanggang sa magpaalam si Andres sa akin upang umuwi sa kanyang tinutuluyang kubo ay dala-dala pa rin niya ang di maipaliwanag na pagbabago. Nakita ko sa kanyang mga mata ang isang usbong na pag-asa. Talaga ngang magkaiba kami ni Andres ng pananaw sa buhay. Kung sa kanyang ulira’t nakita niya ang isang pag-asa sa katauhan ni Eloiza ngunit para sa aking sarili lalo itong nagdiin sa yurak ng kawalang malay.

Iniwan na ako ni Andres. Pagdaka’y natigil ang mga tinig na dumudusta sa aking puso. Natahimik na panandalian ang aking mundo. Huni ng kuliglig ang humihiyaw sa gitna ng nakabibinging katahimikan. Nakadama ako ng kaginhawaan ng kalooban na kapiling ang kay lamyos na ihip ng hangin. Inakay ako ng aking mga paa patungo sa isang kawalan. Napaupo muli ako sa isang tigang na puno na nakatirik sa harapan ng aming bahay. Marami ang naglalarong mga pangitain sa aking isipan na ang dulot nito’y ang malalim na bugtong hininga. Pinagmasdan ko muli ang malumid na liwanag ng buwan. Oo, ang buwan. Siyang nagpipilit na magbigay ng kaunting liwanag sa gitna ng kagitla-gitlang kadiliman. Nasabi ng aking puso na ginagawang panakip butas ng kaliwanagan ang sunod-sunurang si buwan. Mananatili na lang bang sa gabi lamang makikita si inang buwan at aalisan ng karapatan kung lumiwanag? O masisilayan ba ng mga mata na minsa’y maghari ang buwan sa katanghaliang tapat? Hindi… hindi…hindi…hindi…hindi…hindi…hindi…

Tulad ni buwan, mananatili akong walang kabuluhan sa kakilabutan ng dilim. Kung papaanong sunod-sunuran siya kay haring araw, gaya ko rin naman na pinaglalaruan ng kayamanan ng mga mayayaman. Muling pumatak ang mga luhang kay tagal ko nang hindi nakikita. Unti-unting dumaloy sa aking pisngi na may dalang mga katanungan. Anong mapapakinabang ng mga ibon sa kagitla-gitlang kadiliman? Papaanong makagagawa ang isang magbubukid kung ang sinag ng liwanag ay di sapat? Diba’t napaka lungkot kung mapusyaw na hatinggabi kung ihahabing mo sa kay sayang pagbubukang liwayway? Sadyang iyon ang kapalaran ng malugaming si buwan. Doon ko naisip na hindi ako nag-iisa sa mga kabiguan sa buhay. May kakampi ako. Natitiyak kong may kakampi ako. Marahan kong inangat ang hawak kong karit na lalong humigpit ang pagkakahawak. Kuminang ng bahagya sa aking mga mata ang matalas na talim ng galit. Muling nagpatulo ang aking mga mata ng mga luha. Hindi ko napigilan ang tumangis, na ang hagulhol ng tangis na iyon ay noon ko pa alang naranasan sa tanang buhay ko. Ipinikit ko na lang ang aking mga mata na patuloy sa pag-iyak. Anong kay bigat ang aking dala-dalang paninibugho sa puso. Maya-maya pa’y narinig ko ang isang tinig na galing sa kawalan.

“Armando… nakita mo na bang nanibugho ang buwan sa araw…?”

“Nagalit na ba ang kay lumid na sinag ng liwanag sa kay tinding sikat ng kapalaran…?”

“Nalumbay na ba si inang buwan kung siya ma’y laging sumusunod kay haring araw…?”

“Lalo mo lamang pinahihirapan ang iyong sarili. Huwag mong hayaan mabahiran ng dugo ang iyong kamay dahil lamang sa kahirapan…”

“Bakit ayaw mong magpatawad? Ipagparaya mo na ang kanilang kaligayahan. Magpadaya ka na lamang bagama’t alam mo ang katotohanan…”

“HUWAG mo nang patayin ang mag-amang Cristobal…”
“HUWAG mo nang patayin si Don Joaquin…”
“HUWAG mo nang patayin si Eloiza…”
“HUWAG mo nang patayin…..HUWAG mo nang patayin….. HUWAG…..HUWAG…..HUWAG…..HUWAG…..HUWAG…..HUWAG…..

Agad akong napatayo at naipukol sa malayo ang hawak kong karit. Hingal na hingal ako sa mga nangyari. Nabahiran ng mga namumuong pawis ang aking mukha. Wala naman ang kay tinding siklat ng araw ngunit bakit ako pinagpawisan ng ganito? Wala naman ako sa bukid ng mga Cristobal ngunit hingal na hingal ako sa pagkakataong iyon. Doon ko naalala na pinagwikaan ako ng aking konsesnya. Ayaw ng aking budhi na marungisan ang aking pagkatao ni mabahiran man ng dugo ang aking mga kamay. Gaya ni inang buwan… kung papaanong sunod-sunuran kay haring araw na hindi man lamang naninibugho, dapat ay gayon din ako. Maging tagasunod ng katotohanan na sa kabila nito’y nababahiran ng
kawalang katarungan.

Kinabukasan, maaga akong nagtungo sa bukid upang tapusin ang naiwang gawain namin kahapon. Hindi ko na sinundo si Andres sa araw na iyon na sa palagay ko’y natutulog pa. Habang binabagtas ko ang daan patungong bukid ay nakita ko ang makapal na kumpulan ng mga tao sa bulwagan ng malaking bahay ng mag-amang Cristobal. Ni hindi sumagi sa isip ko na maki usyoso pa sa bahay na iyon. Umiral na naman ang aking pride na hindi nakikigalak na makisama sa mga mayayaman. Hindi ko malimutan ang nangyari sa akin kagabi. Napatingin na lamang ako sa himpapawid at muli kong nakita ang masasayang mga kumpulan ng mga ibon na naglalayag sa kaitaasan. Sinikatan na rin ako ng isang sigwit na liwanag ni haring araw. Muli kong naalala ang sabi ni inang buwan sa akin kagabi. “Maging tagasunod ka ng katotohanan…”

Tama. Lagi kong ikikintal sa aking puso ang pagsunod sa totoo. Bulong ko sa sarili.Ilang saglit pa’y narating ko na ang bukid. Kanina pa naghihintay ang matandang kalabaw ni itay na sinalubong ako ng matatamis na ngiti. Napalingon akong bahagya sa dakong kinalalagyan ng araro na katabi ng matalas na karit na iniwan ni Andres kahapon. Dinampot ko nang marahan at tinignan nang kay tagal. Marahan kong tinungo ang mga palayan at hinawakan ang isang kumpol na uhay ng mga palay. Sandaling napapikit ako na waring natigilan. Muling lumabas ang di mapigilang mga luha na nais kumawala sa bilangguan. At sa pagdilat ko’y agad kong tinabas ang sangsipil na uhay ng palay. Di sinasadyang sumagi sa aking mapaglarong isipan na humalili sa aking pangitain ang mukha ni Don Joaquin. Para bang hawak ko ang kanyang buhokl na nagmamakaawa, na sa sandaling panaho’y tinagpas ko ang kanyang leeg at siya’y namatay. Napaatras ako ng bahagya sa aking naramdaman. Naguguluhan sa aking nasilayan.

“Arman… Arman…,” nahawi ang aking ilusyon ng marinig ko ang sigaw ni Andres. Kaagad kong hinanap ang tinig ng aking kabigan at ako’y namangha sa aking nasilayan.

Si Andres na kasama ang aking pinakamamahal na ina na waring lumuluha. Nakita ko ang makapal na bilang ng aking mga kanayon. Lalo akong nabigla nang makita ko ang anim na pulis na pinagigitnaan ang marikit na reyna ng San Cristobal. Doon ko muli nakita ang magandang mukha ni Eloiza. Yaong kabigha-bighaning anyo ng dalaga. Halos apat na taon ko na siyang hindi nakita ng mukhaan. Sariwa pa sa aking alaala ang kanyang liham sa akin. Liham na nagbigay ng lamat sa aking pagkatao. Oo, sulat ng pamamaalam sa kay sayang kahapon. Pinagmasdan ko muli ang alindog ng kanyang pagkatao, ang kahli-halinang mga mata habang sila’y papalapit sa akin. Nagunita ko ang sinabi ni Andres sa akin kagabi. Siguro mababalik na rin ang bukid sa atin. Iyon ang sumagi sa aking isipan, na ipinagkakaloob na sa aming mga mgasasaka ang ilang ektarya ng lupain ng San Cristobal. Lalong lumakas ang aking loob nang makita ko ang isang papeles na hawak ni hepe na katunayang ibabalik na sa aming mga mahihirap ang aming mga lupain na sasakahin ng aming mga kanayon. Ilang hakbang pa’y nakalapit na sila sa akin. Di ako makapaniwala na nasa harapan ko na ang pinagpipitagang dalaga sa aming nayon. Si Eloiza. Tinitignan ko ang kanyang maamong mukha at minsan pa’y humanga sa kanyang angking kagandahan. Kay hirap matanggap na ang lamat ng kahapon ay tuluyang nabasag sa aking mga bigong pangarap. Marahang humalagpos ang hawak kong karit sa aking kamay. Nayanig na muli ang aking pagkatao ng dumampi ang palad ni Eloiza sa aking pisngi.

“Walang hiya ka! Walang utang na loob!” Paluhang sigaw ni Eloiza.

Naguluhan muli ako sa aking narinig kay Eloiza. Napatungo ako sa lupa sa lakas ng pagkakasampal niya sa akin. Nagpupumiglas si Eloiza nang ako’y pupugin ng mga mura. Inawat na lamang siya ng mga pulis na nakapaligid sa kanya. Doon ko pa lamang naranasan na sampalin ako ng isang babae, na ang babaing kauna-unahang sumampal sa akin ay ang dati kong lihim na kasintahan. Napaluha muli ako sa sakit ng kalooban.

“Pag-aari mo ba ito, Arman?” Wika ng hepe.

Dahan-dahan kong iniangat ang aking mukha at nabigla sa nakita. Ang karit ni ama na hinasa ko kagabi na punong-puno ng dugo ng isang tao.

“Nakita ito na katabi sa duguang bangkay ni Don Joaquin kaninang madaling araw,” paliwanag ng hepe at tinanong muli sa akin, “Sa iyo ba ito, Arman?”

“Opo, sa akin po iyan,” ang mahinang tinig ko.

Mabilis akong pinusasan sa aking mga kamay at kinaladkad ng mga pulis patungo sa presinto upang ikulong sa salang pagpatay kay Don Joaquin. Hindi ko na nagawang magpaliwaang sa aking mga kanayon at kay Eloiza. Bagkus mga buong putik at abo ang humahambal sa aking katawan buhat sa kanila. Naging manhid ang aking katawan sa mga abong tumatama sa akin anupa’t nalaglag ang aking pagkatao ng marinig ko ang sarisaring mapapait na pananalita.
“Tarantado ka Arman…!”
“Mamamatay tao…!”
“Walang utang na loob…!”
“Salot ka dito sa San Cristobal…!”

Minsan pa’y nasilayan ko si Andres na lumuluha habang inaalalayan ang aking ina na tumatangis. Di ko magawang lumapit sa kanila dahilan sa napakaraming tao na umuusig sa akin. Nais ko pang makita si itay na magaling na sa kanyang karamdaman. Nais ko pang makausap si Andres at sabihin na hindi ako ang pumatay kay Don Joaquin. Hiling din ng aking puso na mayakap si inay sa pagkakataong iyon. Ibig sumigaw ng aking puso na nangagkakamali sila sa kanilang mga paratang tungkol sa akin.

“Eloiza, hindi ako ang pumatay sa ‘yong ama. Hindi ako…! Hindi ako…! Hindi ako…! Hindi ako…!”

Ngunit sadyang malakas ang kanilang sigawan. Anong ilalaban ng kay lumid kong tinig sa nakabibinging sigawan ng aking mga kanayon? Pagod na pagod na akong sumigaw ng katotohanan. Wala nang tinig ang lumalabas sa aking bibig. Wari’y nilalamon ng kanilang malalakas na tinig ang aking binabandilang katotohanan. Kaya’t binulong ko na lamang sa aking sarili… Tama…gaya ni inang buwan… panakip butas ang isang tulad kong mahirap. Marahil ito na ang huling luhang papatak sa aking pisngi sa araw na ito… Wari’y inubos na ng mga kabiguan ang aking pag-asa… darating pa kaya na mabuo ang mga basag na pangarap sa aking buhay dito sa San Cristobal........
Posted: 13 Apr 2006




SPONSORS LINKS

Your text links here! We accept text links for serving by our ads server or your own ads server. more info here


emanila wins! Content Rating - Labeled with ICRA emanila.com
About emanila.com
| Media Centre | Affiliates | Jobs | Terms of Use | Privacy | Contact Us
(c) 1998-2010 emanila and e-manila are trademarks owned by EMANILA.com Pty Ltd